NAGING maginoo si dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa reorganisasyon ng liderato sa Senado matapos niyang i-nominate si Senador Vicente Tito Sotto III bilang bagong Senate President na epektibo nitong Mayo 21, 2018.
Idiniin ni Pimentel na isang malaking karangalan na maglingkod siya bilang Senate President, isang posisyon na naunang hinawakan ng kanyang ama na si dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr., noong Nobyembre 2000 hanggang Hunyo 2001.
Ayon sa pahayag ni Koko: “Isang karangalan at pribilehiyo na maglingkod sa Senado bilang Presidente nito, isang posisyon na hinawakan na rin dati ng aking ama. Pinaglingkuran niya ang Senado kalakip ang dignidad, nanatiling tapat sa kanyang prinsipyo at palaging inuuna ang interes ng bayan bago ang sa kanya at ito ang halimbawa na sadyang sinikap kong gayahin sa panahon nang pamunuan ko naman ang Senado.
“Nang maging abogado ako, ipinaalala ng aking ama ang mga kataga ni dating Justice JBL Reyes, mga katagang nagbigay inspirasyon sa lahat ng mga kasama sa propesyon at nakipaglaban noon sa Batas Militar: Walang panginoon kung hindi ang batas, walang gabay kung hindi ang konsensiya, walang layunin kung hindi ang katarungan.
“Nanungkulan ako bilang Senate President at nabigyan ng inspirasyon ng mga salita ni Justice JBL Reyes at ginabayan ng mga prinsipyo at aksiyon ni Senador Nene Pimentel. Bababa ako na batid kong sinikap kong mabuti upang tuparin ang tungkuling ito.
“Kailangan ng tulong ang pagkilos tungo sa Federalismo. Hindi lamang adbokasiya ng PDP LABAN ang Federalismo kung hindi isa rin itong personal na kahilingan. Kung gayon, kailangan ko ng tulong para maisa-katuparan ang Federalismo sa akin mismong personal na panahon.”
Malinaw ang mithiin ni Pimentel na pangungunahan ang PDP Laban sa nalalapit na midterm elections sa taong 2019. Asahang sa nasabing halalan ay muling magwawagi si Pimentel para maisulong ang Federalismo sa ating bansa.
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan