NANINIWALA si Senadora Grace Poe na dapat malaman ng publiko at ng Senado ang domino effect nang ipinatutupad na Tax Reform on Acceleration and Inclusion ( TRAIN) law sa public services.
Ayon kay Poe, nakatanggap siya ng reklamo sa mga residente ng Iloilo hinggil sa sobrang taas ng singil sa koryente dahil aniya sa epekto ng TRAIN law.
Bukod dito, ang pagtaas ng presyo ng gasolina na epekto rin ng nasabing batas na idinadaing ng jeepney operators at mga driver.
Nakatakdang magsagawa si Poe ng pagdinig sa darating na Biyernes sa Iloilo ukol sa naturang isyu.
Ngunit inamin ni Poe na ang isasagawang pagdinig ay hindi nangangahulugan ng kanyang panawagan para sa pagsususpende ng ilang aspekto sa TRAIN law tulad ng panawagan ng ilang senador.
Dagdag ni Poe, kanya munang titingnan sa isasagawang pagdinig kung anong batas ang dapat gawin ng Kongreso para malutas ang pagtaas ng singil sa koryente sa Iloilo at sa ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng TRAIN Law.
(CYNTHIA MARTIN)