ISANG taon na ang nakalilipas nang sakupin ng Islamic State inspired na Maute group ang Marawi City, at nalagay sa matinding pagsubok ang buong lungsod; nawalan ng tirahan at kabuhayan ang mamamayan doon, at higit sa lahat marami ang nawalan ng mga magulang, anak, at mga mahal sa buhay dahil sa tindi ng epekto ng gerang idinulot nito.
Ilang buwan din nanalasa ang Maute group sa Marawi City at tumagal din ang bakbakan bago tuluyang nabawi ng pamahalaan ang siyudad mula sa mga terorista. Natapos na ang gera at kabi-kabila ang mga pangako na muling ititindig ang Marawi City.
Ang kaso, ilang buwan na ang nakalilipas mula nang matapos ang gera, ay puro salita pa rin ang naririnig at walang makitang aktuwal na pagkilos para muling ibangon ang Marawi. Ang tanging konsuwelo na lamang siguro ng mga pamilyang biktima ng Marawi siege ay nang payagan silang makabalik sa lungsod at masilip ang kani-kanilang mga tahanan at kung may maaari pang maisalba ay pinayagan silang kunin ito.
Bilyong piso ang inilalatag para sa muling development ng Marawi City, pero marami pa ring mamamayan ng lungsod ang hindi talaga alam kung ano ba talaga ang plano sa kanila ng pamahalaan.
Ayaw nilang matulad sila sa mga bakwit ng Tacloban na biktima ng bagyong Yolanda na ilang taon na ang lumipas ay hindi pa rin nabibigyan ng maayos na matitirahan, hindi alam kung ano ba talaga ang plano sa kanila ng pamahalaan sa kabila ng napakaraming pondo at ayudang ibinigay sa gobyerno para sa rehabilitasyon ng kanilang lugar.
Huwag naman sanang bumilang ng maraming taon ang mga biktima ng Marawi siege bago sila makabangon at makabalik sa normal na pamumuhay. Sana lang ay magampanan nang maayos ng gobyerno ang trabaho para sa muling pagtindig ng Marawi.