ARESTADO ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraan magbenta ng shabu sa mga pulis sa buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Rey Lusterio, 37, Felix Tagumpay, 36, at Jayvee Dela Cruz, 23-anyos, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa piskalya ng Caloocan City.
Batay sa ulat ni PO2 Jerome Pascual, dakong 9:30 am nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng DDEU sa pangunguna ni Chief Insp. Arnold Alabastro, laban sa mga suspek sa Sugpo Alley, Brgy. 8.
Agad inaresto ang mga suspek makaraan iabot ang isang plastic sachet ng shabu sa poseur-buyer na si PO3 Marlon Mito kapalit ng P1,000 marked money.
Narekober ng mga operatiba sa mga suspek ang isang .45 kalibreng Armscor, 12 gauge shotgun, at mga bala.
Kompiskado rin ang 20 gramo ng shabu, at 250 gramo ng marijuana, tinatayang P125,000 ang market value, at P1,000 buy-bust money.
(ROMMEL SALES)