VK dens sa Antipolo, prente ba ng drug den?
Almar Danguilan
May 17, 2018
Opinion
HINDI naman siguro lingid sa kaalaman ni Supt. Serafin Petalio, City Director ng Antipolo City Police Station, ang mahigpit na kampanya at direktiba ni Police Regional Office 4-A Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, laban sa kriminalidad at droga.
Pero ano itong nangyayari sa Antipolo City Police, bakit tila natutulog yata sa pansitan. Bakit naman? Marami na kasing nangyayaring malalaking kaso sa lungsod, pero tila mananatili na lamang maglalahong parang bula nang hindi man nalulutas. Gano’n ba?
Hindi naman, kasi hindi naman nagpapabaya ang pulisya na ipinagkatiwala kay Petalio. Hindi nga ba nagpapabaya? Oo naman, matindi nga ang kanilang pagbabantay sa lungsod para walang makalulusot na krimen sa kanila.
Ayos pala sa pagbabantay si Petalio, sampu ng kanyang mga opisyal at tauhan sa Antipolo Police. Lamang, tila kulang ang kanilang effort dahil kayang-kaya silang linlangin ng mga hired killer na tumitira sa lungsod.
Iyan ang uri ng ginagawang pagbabantay ng Antipolo Police sa lungsod sa ilalim ni Petalio. Ang galing ano. Pulos ambush lang naman ang nakalulusot sa kanila sa kabila ng mahigpit na direktiba ni Eleazar laban sa lahat ng klase ng masasamang elemento.
Una’y (4 Mayo 2018) ang ambus at pagpatay kay S/Supt. Ramy Tagnong sa Dalig 1. Makalipas ang isang linggo (10 Mayo 2018), inambus at napatay naman si barangay chairman Danilo Laciste sa Brgy. Inarawan, Kapwa sa Antipolo City nangyari ang krimen. Inuulit ko Ginoong Petalio, sa area of responsibility ninyo nangyari ang patayan sa kabila na nakaalerto ang pulisya dahil sa lokal na halalan – ang katatapos na barangay at SK election.
Hay, Gen. Eleazar, ano bang nangyayari sa Antipolo Police, samantala sinasabing isang magaling na opisyal si Petalio. Magaling?
Pero teka, hindi kaya masyado lang busy ang ilang pulis ng Antipolo sa kababantay sa video karera ni alyas “Brigette” na nagkalat sa mga barangay ng lungsod, kaya nalusutan sila ng hired killers? Hindi naman.
Ba’t naman sila magiging busy sa kababantay kay alyas “Brigettte?” Mahirap na baka kasi malusutan sila ni alyas “Brigette?” Malusutan ng ano? Alams na iyan…
Hindi kaya sa sobrang ‘kababantay’ sa mga makina ni alyas “Brigette” kaya nalusutan ang Antipolo Police ng malalaking krimen? Nagtatanong lang po tayo ha at hindi nag-aakusa.
Si Supt. Petalio, isa rin kaya siya sa nakabantay sa mga makina ni alyas “Brigette?” Hindi ha! Bakit naman niya gagawin iyan? Galit nga si Petalio sa VK at sa lahat ng uri ng ilegal na sugal. Pinapakompiska na nga raw ni Col. Petalio ang mga makina. Pero sir, ba’t nakalarga pa rin ang operasyon ni alyas “Brigette?” Bakit nga kaya alyas “Rene Pulis?”
Anyway, abangan na lang natin Gen. Eleazar kung ano ang magiging aksiyon ni Petalio sa mga makina ni alyas “Brigette” na nagkalat sa mga barangay ng Inarawan, Mayamot, Sta. Cruz, Cogeo, San Jose, at Paenaan.
Heto pa ang info Gen. Eleazar, paboritong tambayan ng mga tulak at adik ang mga lugar na pinuwestohan ng mga makina VK. Hindi kaya prente din ng drug den ang mga pinagpuwestohan ng mga VK?