Tagumpay
Robert B. Roque, Jr.
May 16, 2018
Opinion
SA wakas ay nagtagumpay ang mga pagsisikap ng mga opisyal ng Filipinas upang maprotektahan ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.
Nakahinga nang maluwag ang mga OFW nang lagdaan ng Filipinas at Kuwait ang memorandum of agreement nitong nagdaang Biyernes na nagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga OFW.
Dapat purihin si President Duterte, Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano at ibang mga opisyal sa tagumpay na ito.
Hindi na inaasahan ng marami na matutuloy pa ang lagdaan bunga ng iringan sa pagitan ng dalawang bansa lalo nang ideklarang “persona non grata” ang Philippine Ambassador to Kuwait na si Renato Villa dahil sa pagliligtas ng mga naglilingkod sa embahada sa mga inaabusong OFW.
Pero sana ay maalala ng lahat ang naging bahagi ng makasaysayang pirmahan na ang kanilang napagkasunduan ay hindi dapat manatili hanggang papel lamang. Dapat ay magtulungan sila sa pagpapatupad nito upang tuluyang mapigilan ang mga pang-aabuso sa ating mga OFW.
Alalahanin na ginagarantiyahan ng mismong labor laws ng Kuwait ang mas mabuting labor conditions para sa ating OFWs. Dapat laging maging mapagmatiyag ang gobyerno ng Filipinas upang matiyak na tutuparin ng gobyerno ng Kuwait ang kanilang bahagi ng kasunduan.
Batay sa kasunduan, ang mga amo ay obligadong magbigay ng disenteng pagkain, matutuluyan at damit sa mga OFW at irehistro sila sa health insurance system. Hindi na puwedeng kompiskahin ang passports at ibang travel documents ng mga Pinoy o pagbawalan sila na gumamit ng cell phones.
Kailangan din tulungan ng employer ang kanilang OFW na makapagbukas ng bank account sa sariling pangalan ng manggagawa at payagan sila na magkaroon ng oportunidad na makapag-remit ng kanilang buwanang suweldo sa Filipinas.
Ang mga manggagawang Pinoy ay papayagang mabigyan ng serbisyo ng Kuwait’s Department of Domestic Labor upang maayos ang mga hidwaan. Ang mga amo na dati nang lumabag sa mga kontrata o umabuso sa kanilang empleyado ay hindi na papayagang makakuha ng manggagawa.
Hindi na papayagang ilipat ang OFW sa ibang amo kung ayaw nila, wala silang pahintulot at kailangan ang pagpayag ng Philippine Overseas Labor Office (POLO). Dapat din tiyakin ng Filipinas na ang mga OFW ay dumaan sa nararapat na pagsasanay at nabigyan ng sertipikasyon sa trabahong bahay. Dapat din nilang mapag-aralan ang mga batas at kaugalian sa Kuwait.
Mabuti naman at naayos na ang problema sa pagitan ng dalawang bansa. Kung tutupad sila sa kasunduan, umaasa tayo na ito na ang simula ng panibagong buhay at magandang kinabukasan para sa mga OFW natin sa Kuwait.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.