KUNG iisipin mo nga na napakadalas nang makita sa Batangas si Congresswoman Vilma Santos, dahil mahigit 20 taon na siyang naninirahan doon, simula nang maging mayor, maging gobernadora, at ngayon nga ay congresswoman, basta nakikita siya ng mga tao ang tingin sa kanya ay artista pa rin at marami pa rin ang nagkakagulo para magpa-selfie.
Sinasabi nga nila noon eh, noong panahong governor siya ng Batangas, ang daming nagpupunta sa kapitolyo, maski na mga turista, ang gusto ay makita siya at makapagpa-selfie na kasama siya. Noon nga ang biruan, kasama na siya sa mga “tourist attraction ng Batangas.”
Naulit na naman iyan noong isang araw. Nagpunta lang naman sa eskuwelahan si Ate Vi para bumoto nga sa kanilang barangay, kasama si Senator Ralph Recto at si Ryan Christian. Aba eh kung hindi naging maagap ang mga barangay at ang mga kagawad ng pulisya, baka nagkagulo sa eskuwelahan sa rami ng mga gustong makipag-selfie.
Gustuhin man ni Ate Vi, hindi na niya napagbigyan ang lahat dahil halos dalawang linggo nga siyang may sipon at ubo, at ngayon lamang nakakabawi. Hindi pa ganoon kahusay ang kanyang pakiramdam.
Ang punto rito, kahit na nga matagal na rin namang hindi gumagawa ng pelikula si Ate Vi, ang dating pa rin niya ay isang malaking artista. Star for all seasons pa rin siya. Samantalang madalas, may nasasalubong kaming mga artista na malayang nakakapaglakad kahit na sa malls na tinitingnan pero ni hindi nilalapitan ng mga tao.
Iba talaga ang magic ng mga artista noong araw, kaysa mga artista natin sa ngayon. Pero hindi rin naman lahat, dahil marami rin namang artista na masakit mang sabihin ay nalaos na rin kaya hindi na rin pinapansin ng mga tao.
Pamilya ni Aga, nagulat sa pakikiramay ni Pangulong Duterte
NAGKAGULATAN pa sila noong huling gabi ng burol ni Cheng Muhlach, nang walang sabi-sabi at hindi nila inaasahang bubukas ang pinto, pumasok si Presidente Rodrigo Duterte at bumati sa lahat ng “magandang gabi po.” Tapos tuloy-tuloy na lumapit sa kinabuburulan ni Cheng, mukhang naghandog ng isang maikling panalangin, at pagkatapos ay ipinaabot ang kanyang pakikiramay kay Aga Muhlach at sa lahat ng mga kapatid niyon.
Si Cheng ay isang kilalang Duterte supporter. Hindi siya iyong nagdidikit sa presidente noong panahon ng kampanya, pero open siyang gusto niya si Presidente Digong. Nang minsang mapunta siya sa Davao, nag-selfie pa nga siya sa harap ng bahay ng presidente.
Nagulat din sila. Hindi nila akalaing makakarating ang balita sa presidente at magbibigay siya kahit na ilang minuto lamang na dumalaw nga sa burol ni Cheng. Lahat nga biglang tumahimik nang pumasok ang presidente, na nauwi naman sa pakikipag-selfie sa kanya ng mga nakiramay.