ANG kahihiyan na inabot natin sa Kuwait ay hindi na dapat maulit. Dapat na nating itigil ang pagluluwas ng lakas paggawa sa mundo. Humanap na tayo ng ibang paraan kung paano mapatatakbo ang ekonomiya ng bansa na hindi umaasa sa remittances ng overseas Filipino workers (OFWs).
Dapat nang seryosohin ng pamahalaan ang pagtatayo ng mabibigat at magagaan na industriya at pagpapasigla ng ating agrikultura. Ang layunin ng sistema ng edukasyon ay dapat baguhin mula sa pagiging producer ng mga alila ng mundo, glorified man o hindi, tungo sa pagiging producer ng mga magiging kapitan ng industriya at agrikultura.
Kung paano maging lider sa kontekstong Filipino at hindi kung paano maging masunuring utusan ng mga banyaga ang dapat bigyan ng diin sa ating mga paaralan.
Leadership training course, hindi service orientation ang dapat ibinibigay sa mga mag-aaral upang matuto tayong mamuno at matigil na ang kasanayan natin na maging utusan lamang.
Kailangang mabuo sa ating loob ang tiwala sa sariling kakayahan at kaalaman. Dapat tayong matutong umamin ng kahinaan kung kailangan at umangkin ng lakas kapag hiningi ng panahon.
Ilan lamang ito sa mga hakbang na puwede nating gawin bilang isang lipi upang maitanghal sa mundo kung sino talaga tayong mga Filipino.
***
Umasa tayong pagmamahal sa bayan, pagsunod sa itinatakda ng batas at hindi personal na damdamin ang maging batayan ng mga mahistrado sa kanilang gagawing pagpapasya sa kaso ni Chief Justice maria Lourdes Serene. Nakasalalay ang maraming bagay na usaping legal, kundi man ang estado ng ating pamahalaan sa hinaharap sa desisyon ng mga mahistrado. (Read More: http://beyonddeadlines.com/2018/05/09/hindi-nila-mapalagpas-ang-pagkakataon/)
***
Sa mga umaasa na magbibitiw si Alan Peter Cayetano mula sa kanyang puwesto sa Department of Foreign Affairs dahil sa kanyang kapalpakan na nagbunga ng pagkasira ng ating relasyon sa Kuwait ay umasa pa kayo.
Masyadong malaki ang tayang politikal ni Cayetano para magbitiw. Hindi rin siya mapagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil mahirap makakita ng isang tulad ni Cayetano na halos parehong-pareho niya kung mag-isip.
Sige pa… asa pa more…
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.