TIYAK na sigurado ang panalo ng tatlong Nacionalista Party (NP) senatorial candidates na sina Sen. Cynthia Villar, dating Senador Pia Cayetano at Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa darating na 2019 midterm elections.
Kung tutuusin, kahit na hindi na pumaloob ang tatlong babaeng kandidato ng NP sa ruling political party na PDP-Laban, tiyak na makalulusot at mapabibilang sila sa Magic 12 sa darating na halalan sa 2019.
Ang masakit nito, ang ipinagyayabang na senatorial candidates ni House Speaker Pantaleon Alvarez ay tiyak na mangangamote at sa kangkungan dadamputin dahil wala namang kapana-panalo.
Kaya nga, kung gustong makabuo ng PDP-Laban ng malakas na senatorial slate, hindi na dapat pang magtakda ng kung ano-anong kondisyon ang liderato nito para sa magiging guest candidate ng kanilang partido.
Tama si Villar, ang pagbubuo ng isang coalition ng mga partidong PDP-Laban, NP at NPC ang nararapat na gawin para sa isang matatag at malakas na tiket ng administrasyong Duterte.
Sana, maintindihan ito ni Alvarez, pati na ni Senate President Koko Pimentel, na kahit na nasa ruling party sila ngayon, hindi nangangahulugan na sigurado na ang pagkapanalo ng inyong mga kandidatong senador sa PDP-Laban sa darating na halalan.
BONGGA SINA PEACHY,
CARMELA, OFEL AT JONJON
MAUGONG ang panalo ng mga kandidatong sina Peachy Pascual-Tugano, Carmella Suva, Ofel Acuna-Nucum at Jonjon Baquiran na pawang tumatakbong kagawad sa barangay Sangandaan, Quezon City ngayong nalalapit na May 14 barangay and SK elections.
Si Jonjon, miyembro ng LGBT, ay patuloy sa kanyang pagsusumikap na makatulong sa kanyang mga kasamahan na higit na maisulong ang kapakanan at karapatan ng sector na kanilang kinabibilangan. Sina Peachy, Carmela at Ofel ay kabalikat naman ng mga kabataan at kababaihan para maisulong ang interes ng dalawang sektor.
Isa rin sa inaasahan nating magmamalasakit sa komunidad ng barangay Sangandaan ay si Ray Francisco kabilang na si Junior “Uwak” Juan.
Suportahan natin ang mga kandidatong kagawad na tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng bawat barangay.
KAILANGANG KUMILOS
NI KAP. QUITORIO!
KAHIT sabihin pa nating nakalalamang si Kap. Rolan Quitorio sa barangay Sangandaan, kung hindi naman gumagana ang kanyang propaganda machine, masakit mang sabihin, malamang na matalo siya sa eleksiyon.
Masasabing agresibo ang kanyang kalaban at kinakailangang tapatan ito dahil kung hindi baka mabigo ang kanyang reelection bid. Sa usapin pa lang ng campaign materials, nagkalat ang tarpaulin ng kanyang kalaban at mabibilang lang sa daliri ang kanilang idinidikit sa palibot ng barangay Sangandaan.
Anyare Kap?! Kung totoo mang binabaklas ang inyong mga campaign poster, dikitan kaagad ito at hindi na kailangan maghintay pa ng kung anong oras o araw ninyo ikakabit ang inyong posters. Matatapos na ang campaign period at kailangang pakilusin ang inyong mga tao para ipamahagi ang lahat ng nakaimbak ninyong campaign materials.
Taongbayan na ang nakapupuna sa mali ninyong strategy. Kilos na Kap!
SIPAT
ni Mat Vicencio