MUKHANG nakabawi na si Sarah Geronimo, dahil sa kanyang concert sa Chicago noong nakaraang Biyernes at sa New York noong Linggo, masaya na siya. Nakakanta siya ng maayos. ”Wala ng iyakan,” ang biro pa niya.
Ipinaliwanag niyang nagkapatong-patong lang ang kanyang nararamdaman kaya siya nagkaroon ng ganoong reaksiyon. Inamin naman niya ang lahat ng kanyang pagod at puyat sa katatapos pa lamang concert sa Araneta, tuloy ang biyahe patungong Amerika at kasunod niyon ay concert nga agad sa Las Vegas.
Las Vegas iyan. Kung sabihin ay ang entertainment capital of the world. Kung diyan ka nga naman papalpak, malaking kasiraan iyon. Siguro iyong ganoong takot din ang isa sa mga dahilan kung bakit bumigay si Sarah. Pero pinalakpakan siya ng audience. Binigyan pa siya ng standing ovation pagkatapos.
Pero hindi riyan natatapos iyan. Ngayon ang pinag-uusapan na naman iyong provincial tour niyang This I5 Me. Ganoon din naman ang posibleng repeat niyon sa Araneta. Pinag-uusapan na rin ang schedule ng kanyang shooting ng pelikula nina ni James Reid. Mahirap na nga naman at baka may director ding magbunganga sa social media laban kay Sarah.
Pero ang tanong lang namin, talaga bang hindi na pagpapahingahin si Sarah? Hindi ba siya maaaring bigyan kahit na isang buwang break lang, at nang magawa naman niya kung ano ang gusto niya? After all nagtatrabaho na siya ng 15 taon.
Nariyan iyong paniniwala na ”strike while the iron is hot.” pero tandaan ninyo, ang panday na nagkakamali ng palo sa isang nag-iinit na bakal ay posibleng makasira rin doon. Sana naman isipin nila, hindi kailangang magmadali para kay Sarah. Ang kailangan nilang isipin ay kung paano pa mapatatagal ang career ni Sarah.
HATAWAN
ni Ed de Leon