SANG-AYON si Senador Panfilo Lacson sa naging resulta ng fact finding committee ng Ombudsman na inirekomendang sampahan ng kaso si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang opisyal sa paglusot ng P6.4 bilyon shabu shipment.
Sinabi ni Lacson, kung pagbabasehan ang isinagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, lumalabas na walang nagdidiin kina dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw niyang si Mans Carpio.
Ayon kay Lacson, kahit sa mga naging pahayag ni Customs broker Mark Taguba ay walang direktang ebidensiya na magdidiin kina Paolo at Carpio.
Ngunit iginiit ng senador, kung pinayagan ni Blue Ribbon Committee Chairman Senador Richard Gordon na lumantad sa senado ang ilang resource person na binanggit ni Taguba, tulad nila Tita Nani at Davao group, posibleng masangkot sa kaso si Paolo at ang bayaw niyang si Carpio.
(CYNTHIA MARTIN)