IBANG klase talaga itong si Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, Regional Director ng Police Regional Office 4A. Bakit naman? Paano naman kasi, saan man maitalaga ang heneral, hindi nagdadalawang isip na suportahan siya ng kanyang mga opisyal at tauhan sa kampanya laban sa kriminalidad.
Bukod dito, ramdam at nasaksihan ng mga provincial director ng PRO 4A at iba pa, kung gaano kasinseridad, kasipag etc., si Eleazar sa pagtatrabaho hindi para sa sarili kung hindi para sa mga mamamayan at sa imahen ng Philippine National Police (PNP) sa kabuoan.
Heto nga, mahigit isang linggo pa lamang si RD sa kanyang kinauupuan, hayun magkakasunod na ang mga matagumpay na operasyon ng kanyang mga provincial directors.
Yes, bunga ito ng ilan sa binitiwang mga salita ni Eleazar sa kanyang talumpati sa turnover ceremony sa Camp Vicente Lim sa Calanbang, Calamba City nitong April 24, 2018 nang isalin sa kanya ang pamumuno ng PRO 4A.
“…kayong masasamang elemento, magsilayas na kayo o hindi kaya magbago na kayo dahil abot kamay namin kayo… saan man kayo magtago,” ani Eleazar.
At heto nga, kahit wala pang masasabing pormal na direktiba si Eleazar sa kanyang limang provincial director mula sa limang Police Provincial Offices (PPO) – Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, at sa halip ay kanilang pinanghawakan ang mga binitiwang salita ni Eleazar… kumilos agad ang mga PD at ipinatupad ang direktiba ni Eleazar.
Nitong 27 Abril dakong 4:00 am, isang riding-in- tandem ang napatay matapos ang enkuwentro sa mga tauhan ng Sta. Rosa Police Station ng Laguna PPO. Makaraang holdapin ng dalawang suspek ang center agent na si Marvin Sombilla Diongco, agad nagsagawa ng dragnet operation ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa suspek matapos na makipagbarilan. Nakatakas ang isa at patuloy na hinahanting ng pulisya.
Nauna rito, dakong 3:30am, ang Batangas naman ay nakadale ng isa pang riding-in-tandem… napatay nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Tanauan City Police Station sa Barangay Sala matapos mangholdap ng isang gasolinahan.
Habang sa Cabuyao (Laguna), hindi lang ordinaryong kriminal ang kanilang naaresto sa bisa ng search warrant nitong 26 Abril, kung hindi kapwa miyembro ng Suyuful Khilafa Fil Luzon na konektado sa ISIS.
Nakasama ng Laguna PPO sa operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) NCR; PNP Intelligence Group; at ISAFP. Nakompiska sa dalawang suspek ang ilang kalibre ng baril, mga bala, at bandera ng ISIS.
Hindi naman nagpatalo ang Rizal PPO. Nagresulta ito sa pagkamatay ni Albert Rico Tayum nang isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya. Napatay si Tayum nang manlaban sa mga operatiba ng Antipolo City na pinamumunuan ni Supt. Serafin Petalio. Nakompiska kay Tayum ang isang kalibre .38, at ilang gramo ng shabu.
Dalawang drug personalities ang napatay makaraang manlaban sa mga elemento ng Biñan (Laguna) Police Station nitong 29 Abril sa Brgy. Platero. Ang dalawang napatay ay kilalang nagpapakalat ng droga sa Biñan. Bukod sa droga, nakompiska rin sa dalawa ang dalawang baril at may kinahaharap na dalawang kaso ng murder.
Hindi lang ito ang matagumpay na operasyon ng PRO 4A sa loob ng isang linggo o nang maupo bilang RD si Eleazar, kung hindi marami pa. Bawat PPO ay kumilos agad at sinuportahan ang kampanya ni Eleazar.
Pero masasabing, isa lang ang ibig sabihin nitong mga operasyon… pinaninindigan ng RD ang kanyang binitiwang mga salita para sa mamamayan ng Calabarzon, ang pagsilbihan ang mamamayan at panatilihin ang peace and order sa lugar.
Bukod dito, kung gugustuhin pala ng mga PPO na kumilos laban sa mga kriminal, puwede pala pero… iyan ay depende rin sa suporta at leadership ng RD.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan