NAKALILIGALIG na ang ginagawa ng gob-yerno ng Kuwait sa mga Filipino, pati na sa mga opisyal ng embahada na ang tanging hangarin ay matulungan ang mga kababayan natin na inaapi sa naturang lugar.
Maituturing na hayagang pambabastos ang pag-isyu ng Kuwait ng arrest warrants sa tatlong diplomat na Filipino habang nakapiit ang apat pang Filipino na naglilingkod sa embahada. Bukod dito ay nagawa pa nilang patalsikin ang ambassador ng Filipinas na si Renato Villa at idineklarang “persona non grata.”
Nauna rito ay iniulat ng Kuwait News Agency na dalawang Filipino ang inaresto dahil inuudyukan umano nila ang mga kasambahay na Filipina na takasan ang kanilang mga amo. Habang isinasailalim sa interogasyon ay inamin daw ng dalawang Filipino ang krimen bukod sa iba pang mga katulad na paglabag na nagawa sa iba-ibang rehiyon ng kanilang bansa.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na taliwas ang ginawa ng Kuwait sa pahayag ng kanilang ambassador na si Saleh Ahmad Althwaikh nang makipag-meeting kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano kamakailan at makipagkasundo na magtutulungan upang mapagbuti ang relasyon ng dalawang bansa.
At dahil sa ginawa ng Kuwait, ang anumang pinaplantsang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Filipinas at Kuwait upang matanggal ang deployment ban sa ating mga kababayan na nais magtrabaho sa naturang bansa ay wala na. Ayon mismo kay President Duterte ay permanente na raw ang ban.
Noong isang linggo ay humingi ng paumanhin ang Filipinas sa Kuwait dahil sa pag-rescue na isinagawa upang protektahan ang mga Filipino. Kahit saang anggulo tingnan ay tungkulin ng mga opisyal ng embahada na tulungan ang mga Filipina na hindi tinatrato nang maganda ng kanilang employer. Alalahaning maaari silang masisi kung naging pabaya sa trabaho pero hindi kailanman sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Marahil ay marahas ang Kuwait pero mali rin ang embahada natin dahil kinuhaan pa nila ng video ang isinagawang “rescue” na naging viral sa web.
Tinapakan din nila ang karapatan ng Kuwait sa sarili nilang bansa dahil walang paalam ang kanilang ginawa. Inakusahan ng Kuwait ang embahada ng maliwanag na paglabag sa mga patakaran ukol sa aksiyong pangdiplomasya nang tulungang tumakas ang mga Filipina.
Kung ilalagay natin ang sarili natin sa sapatos ng Kuwait at sa atin ginawa ang rescue sa kanilang nationals dito sa bansa nang walang paalam, ano ang mararamdaman ng gobyerno natin?
Sa tingin ng marami ay tama ‘yung “rescue” kung totoong nanghingi ng tulong at hindi inudyukan ang Household Service Worker na tumakas sa amo pero hindi na sana ikinalat ang video.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.