ISINAPUBLIKO na kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng barangay officials na kung hindi user, pusher ay mga protektor ng ilegal na droga.
Sinasabing 90 kapitan at 117 mga kagawad ng barangay ang nasa narco-list ng PDEA, na pinaniniwalang magiging gabay ng maraming botante ngayong nalalapit na ang halalan sa barangay.
Mababa ito sa naunang bilang na kanilang inilabas, na base sa paliwanag ng PDEA, dahil ang iba ay naaresto na, namatay o napatay sa mga operasyon.
Napapanahon na ilantad talaga ang listahang ito para tuluyang makilala ng mamamayan kung anong uri ng mga barangay officials ang mayroon sila ngayon, at nang sa ganon ay hindi na muling magkamali at makapaghalal pa ng mga opisyal na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Gaya ng pahayag ng Malacañang, nais nitong maging gabay ang listahan para sa mga botante ngayong nalalapit na May 14 barangay elections. Dapat ay maging matalino, mapanuri ang mamamayan sa mga opisyal ng barangay na kanilang iboboto, at mangunguna sa kani-kanilang lugar para sa isang pamayanan na tahimik, ligtas, payapa at malayo sa droga.