CONGRATULATIONS P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar for a well deserved promotion.
Opo, hindi na ang masipag, magaling, palakaibigan, makatao, at mapagkumbabang si Gen. Eleazar ang District Director ng Quezon City Police District (QCPD) at sa halip siya ang Regional Director (RD) ng Police Regional Office 4A.
Bumaba ang kanyang promosyon nitong Abril.19, 2018.
Sa araw na ito, pormal nang uupo bilang RD si Eleazar. Ngayon gaganapin ang turnover ceremony sa kampo sa Canlubang, Laguna.
Lagot kayong mga police scalawags o kotong cops, kasi kayo ang uunahin ni Eleazar.
Tulad ng kanyang ginawa sa QCPD nang maupo bilang DD noong 1 Hulyo 2016, mga QC bad cops, ‘ninja’ cops at mga kotongero ang kanyang inuna.
Ito ay upang ipakita sa mamamayan na seryoso siya sa paglilinis sa hanay ng pulisya upang manumbalik ang tiwala ng mamamayan sa QCPD.
Napagtagumpayan ni Eleazar ang kampanya niya kaya todo-todo ang naging suporta ng mamamayan sa pakikipaglaban ni Eleazar sa mga tiwaling pulis at mga kriminal.
Kaya kayong mga gagong pulis sa PRO 4A, humanda kayo. Hindi nagbibiro ang susunod na NCRPO director. Marahil, nabalitaan n’yo naman kung ilang police QC ang ipinaaresto ni Eleazar at sinampahan ng kaso at kalaunan ay ipinatapon pa sa Mindanao.
Katunayan, nagkausap kami ni Eleazar nitong Biyernes, aniya, isa sa uunahin niyang bubuoin ay counter intelligence task force. Layunin ng TF arestohin sa akto ang police scalawags.
“Lilinisin ko muna ang sarili kong bakuran bago ang labas para ipakita sa mamamayan na seryoso tayo sa kampanya laban sa kriminalidad. Ito rin ay upang magkaroon sila ng lakas loob na magsumbong at lumapit sa pulisya,” pahayag ni Eleazar.
At siyempre, maging ang masasamang elemento na kumikilos sa R4A, hindi makaliligtas kay Eleazar. Kaya, dapat na magsilayas na sila riyan.
Pero teka, batid ng marami na well deserved ang promosyon ni Eleazar ngunit, well deserved ba ang pinaglagyang rehiyon – ang PRO 4A, sa kanya?
Marami kasi ang nagulat, nagtaka at hindi matanggap ang pinaglagyang puwesto kay Eleazar, inasahan na siya ang ipapalit sa iniwang puwesto ni bagong PNP CHIEF na si P/Director General Oscar Albayalde – ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) pero… anyare?
Hindi ibinigay ang NCRPO kay Eleazar at sa halip, ibinigay ito kay Chief Supt. Camilo Cascolan.
Cascolan? Tanong ng marami, saan nanggaling si Cascolan? Never heard kasi ang mama. Walang nababalitang magagandang trabaho nitong mga nagdaang panahon pero naupo sa NCRPO.
Puwede pala iyon – kahit wala kang mga accomplishment nitong nagdaang buwan o taon para pagbasehan sa promosyon?
Puwede naman. Ang patunay. Hayun, si Cascolan.
At puwedeng- puwede talaga, basta’t klasmeyt.
Hahaha…totoo nga bang classmate ni retired PNP chief, Gen. Bato si Cascolan? Ano pa man, sana hindi ito ang pinagbasehan para kay Cascolan kung hindi ang kanyang accomplishments gaya ng… gaya ng…anon a an gang accomplishments ni Cascolan!?
Marami raw.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan