HINDI pa man opisyal na kampanya para sa mga magsisitakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay maigting na ang mga pasaringan at pabonggahan na ang kani-kanilang pagpapakilala sa publiko.
Mapapaisip ka talaga kung barangay elections ba ang pinaghahandaan nila o ‘yung midterm polls na sa 2019 pa mangyayari?
Halata rin na may ‘kulay’ ang bawat grupo ng mga nagsisitakbo — may grupo na bet ni mayor habang ang kalaban nito ay manok naman ni congressman o kaya ni vice mayor na may mataas na posisyon din na binabalak sa darating na midterm elections. Pero hindi ba’t kailangang apolitical ang mga barangay? Ibig sabihin, hindi dapat nakikialam ang matataas na opisyal sa halalang pambarangay.
Dapat maging malinaw rito ang Commission on Elections na hindi dapat napopolitika ang darating na halalang pambarangay. Alam natin na maraming pasaway na politiko ang gagamit ng kanilang mga resources para maisulong ang kani-kanilang agenda.
Kaya dapat maging mahigpit dito ang Comelec at mapanatiling ligtas sa kung anong pakanang politikal ng mga pasaway na politiko.