NAKAGUGULAT ang ginawa ng ‘Super Boy’ ng Philippine Sports na si Jose “Sunday” Masangkay Dayao 111 ng Cyber Muscle Gym sa katatapos na 2018 Philippine National Open & Age Group Powerlifting Championships na ginanap sa Fisher Mall Quezon City nitong Sabado, impresibong binasag niya ang mga records sa Squat-70kgs, Bench press-38kgs, Total-188kgs at single Lift Bench press-38kgs.
Ipinakita ni Dayao sa mga nanonod na kahit siya ay labing isang taong gulang lamang ay kaya niyang makipagsabayan sa pinakamalalakas na lifter ng Pilipinas.
Sa unang salang pa lang sa Squat competition ay binuhat niya agad ang 60kgs na bigat ng barbell para agad basagin ang 52.5kgs na Philippine record ni Anthony Obias ng Leyte Sports Academy (LSA) na naitala pa noong 2014 sa Catbolagan, Samar.
Sinundan iyon ng 2nd attempt na 65kgs at 3rd attempt na 70kgs na bigat para angkinin ang bagong Philippine record.
Hindi pa doon natapos ang record breaking performance ni ‘Super Boy’ Dayao at agad nagpakita muli ng lakas sa Bench press nang iangat niya ang 38kgs na bigat para lagpasan naman ang Philippine record na 37.5kgs ni Jiswel Kiamco na isa ring taga-Samar. Nagdiwang ang kanyang ama na kanya ring coach na si Cirilo Dayao dahil hawak na ngayon ng kanyang anak ang 33kgs at 38kgs Philippine Developmental Powerlifting national records.
Bukod kay Dayao, nagkampeon din sina John Matthew Manalang-53kgs men’s Subjunior division ng Zest Power Gym at Joyce Gail Reboton-84kgs Open Division ng FNB.