NOONG i-launch iyong all girl singing group na BellaDonnas, hindi nga yata maiwasang may lumabas na tsismis agad, na inamin naman ng isa sa kanila na totoo, noong araw ay nagkaroon siya ng isang boyfriend na male sexy star. Pero bata pa naman siya noon at ngayon ay matagal nang wala iyon. Kaya nakiusap siyang huwag nang pag-usapan pa iyon.
Kung iisipin mo, bakit nga naman iyong mga tsismis pang ganoon ang pag-uusapan. Ang dapat pag-usapan ay kung ano nga ba ang nagagawa niyang sina Quinn, Phoebe, Chloe, Jazzy, Xie, Rie, at Stiff na kinikilala ngayong BellaDonnas.
Maliwanag naman ang target, ang makilala sila at mapasikat bilang isang self contained show group. Ibig sabihin, makabubuo sila ng isang buong concert na hindi na kailangan ang ibang artists kundi sila na lang. Kaya nilang sumayaw, mahusay din naman silang kumanta, at higit sa lahat magaganda talaga sila. Iyon ang susi roon eh, kailangan magaganda ang performers mo. Ang nangyayari kasi sa ibang show groups, may sisikat na isa o dalawa lang, kasi sila lang ang maganda. Tapos naiiwan na iyong iba. Oras na iyong maganda lumaki ang ulo o nag-isip nang mag-solo, bagsak na ang iiwang grupo.
Iyon naman ang sinisiguro nilang hindi mangyayari sa BellaDonnas, kasi lahat naman sila maganda, at kung iisipin mo lahat sila maaaring maging solo stars on their own. Karamihan kasi sa kanila, nagsimula bilang mga model talaga, pero naisip nila na sayang naman ang kanilang ibang talents kung mananatili silang models lang. Bakit nga ba ganda lang ang pupuhunanin mo kung kaya mo rin namang sumayaw at kumanta?
Maganda iyong ganyang attitude ng mga kabataan natin. Ilabas nila kung ano ang talagang talents nila, ano ang malay ninyo, isang araw ay mabaling na muli ang atensiyon ng fans sa mga Filipino artist kagaya noong araw at mawala na rito iyang mga nakaiinis nang mga dayuhan sa ating bansa.
HATAWAN
ni Ed de Leon