ANG isyu sa pagtatayo ng Casino sa Boracay ay maihahalintulad sa isang choir na iba-ibang awit ang kinakanta sa harap ng publiko.
Para bang nagpatawag ng isang ‘libreng concert’ pero sumakit ang ulo ng mga nanood at nakinig.
Klaro ang sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, ipinasasara niya ang Boracay sa loob ng anim na buwan para linisin ito hindi para itayo ang Galaxy resort hotel and casino na matunog na pinag-uusapan ngayon.
Pero ang tanong nga natin, kung ayaw ng Pangulo na magkaroon ng casino sa Boracay, may nag-uulat ba sa kanya na namamayagpag ang Movenpick Casino sa Boracay na sinabing pag-aari ni Kim Wong?!
At kung ayaw talaga ng Pangulo na may casino sa Boracay, bakit ang sinasabi ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, umatras na ang Galaxy Entertainment sa kanilang Boracay project.
Bakit ang Galaxy ang umatras hindi ba puwedeng sabihin na tinanggihan ng Pangulo?!
Pero mukhang biglang nataranta si Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chair, Andrea “Didi” Domingo sa pahayag ni ASec. Alegre kaya biglang napabulalas na wala umano sa official communication nila ng Galaxy Entertainment na umaatras sa kanilang Boracay project.
Kompirmasyon ba ito na sa pagbubukas ng Boracay ay mayroon nang Galaxy resort hotel and casino?
Ibig sabihin ba ni Pagcor Chair Didi ‘e walang umaayaw?! Kay tuloy pa rin?
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung matutuloy ang project ng Galaxy, hindi ito sa Boracay itatayo.
Wattafak!
Mismong ang mga opisyal ni Pangulong Digong ay desentonado sa kanilang mga sinasabi.
E ano ba talaga ang totoo?!
Kung wala namang ‘saliwa’ sa pagtatayo ng Galaxy resort hotel and casino sa Boracay, bakit ayaw aminin sa publiko?!
Ayon kay Pagcor Chair Didi, US$500-million ang proyekto ng Galaxy sa Boracay. Kung gayon, malaking investment ito. Kung malaking investment , bakit kailangang tanggihan?!
Pero ang nakapagtataka nga bakit iba-iba ang ‘kinakanta’ ng public officials?!
Ano ba talaga ang totoo?!
SI KAPITAN QUITORIO
AT SI PEACHY, BOW!
MAGIGING maganda ang laban sa barangay Sangandaan, Quezon City sa darating na barangay elections sa 14 Mayo. Pero mukhang landslide ang magiging resulta ng eleksiyon dito pabor sa incumbent chairman na si Rolan Quitorio.
Si Peachy Pascual Tugano naman ay inaasahan ding mananalo bilang kagawad. Tiyak na karamihan ng mananalo sa barangay Sangandaan ay mga kababaihan. Girl power, ‘ika nga.
Maraming nagawa si Quitorio bilang kapitan lalo ang pagpapanatili ng peace and order situation sa kanilang barangay. Suportado rin ni Quitorio ang anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, at ang isinusulong na federalismo ng Pangulo.
Si Peachy, hindi lang karapatan ng mga kababaihan at kabataan ang kanyang isusulong kundi maging sa LGBT. Marami na ring nagawa si Peachy sa kanilang barangay.
Paalala na rin, sa 4 Mayo hanggang 12 Mayo ang campaign period. Sa gagawing eleksiyon sa barangay, isang kapitan at pitong kagawad ang ating ihahalal.
Bawal na bawal pala ang suhol o vote buying.
Magbabantay ang Comelec at tiyak na masisibak ang sino mang kandidatong mahuhuli na hindi sumusunod sa mga patakaran ng komisyon.
Kaya sa mga mahilig sa vote buying, kaiingat kayo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap