VIGAN CITY – Hinataw ni Princess Sheryl Valdez ng SOCCSKSARGEN ang apat na gold medals sa arnis sa 61st Palarong Pambansa 2018 na ginanap sa San Vicente Municipal Gym.
Dalawang record naman ang nabura sa pangalawang araw na bakbakan ng mga student athletes.
Tinarak ni 17-year-old Francis James San Gabriel ng Region I ang tiyempong 9: 33: 01 sa 2000m Walk upang sikwatin ang gold medal sa Secondary Boys na ginanap sa Quirino Stadium, Bantay, Ilocos Sur.
Binura ni Umingan, Pangasinan native San Gabriel ang record ni Bryan Oxales ng National Capital Region, (NCR) na 10:11:3 na tinala nung nakaraang taong edition sa Antique.
Si Oxales din ang nakadikdikan ni San Gabriel habang papalapit ng meta.
“Sa last 100 meters parang hindi ko kakayanin, sobrang pagod na tapos kinakabahan talaga ako noon,” kuwento ni San Gabriel. “Narinig ko ‘yung sigawan nung mga teammates ko parang nabuhayan ako, nadagdagan ‘yung lakas.
Isang hakbang lang inungusan ni San Gabriel si Oxales na nakopo ang silver medal, napunta ang bronze medal kay Peter Lachica ng Region XII.
Si Kasandra Hazel Alcantara ng NCR ang umukit ng bagong record sa Shot Put sa Secondary Girls.
Nilista ni Alcantara ang 11.88m upang sikwatin ang gold at burahin ang matagal ng nakaukit na record ni Marites Barrios noong 1992.
(ARABELA PRINCESS DAWA)