DURHAM, North Carolina – Si Kristin Barnaby, aminadong arachnophobe, o natatakot sa gagamba, ay nakakita ng paraan upang pangibabawan ang kanyang takot, sa North Carolina burger joint.
“I am going to eat my fear,” pahayag ng 27-anyos sa Bull City Burger and Brewery, bago kainin ang hamburger na may palaman na malutong na oven-roasted tarantula, at french fries.
Ang tarantula burger ay itinampok sa April exotic meat month ng nasabing restaurant, na sa nakaraang anim taon ay nagtampok din ng mga putahe mula sa karne ng iguana, buwaya, kamelyo, python, pagong at iba’t ibang insekto.
Unang napasama sa menu ang mga tarantula makaraan mabasa ng may-ari ng restaurant na si Seth Gross kung paano naging street food staple sa Cambodia ang nasabing insekto, na tinimplahan ng asukal, asin at iniluto.
“I thought this would be a great way to really teach about diversity,” pahayag ni Gross sa panayam.
Ang tarantula burger ay hindi para sa lahat. Nakakukuha lamang si Gross ng 15 ng farmed, organically raised creatures kada taon, kaya masuwerte ang matapang na taong makatitikim nito.
“You come in, you fill in a lottery ticket,” aniya. “If we draw your name, you come and get to eat one.”
Ang masuwerteng mananalo ay mayroong 48 oras para makuha ang kanyang premyo, at ayon kay Gross, wala pang umaatras dito.
At kumusta ang lasa?
“It reminded me of potato chips,” pahayag ni Barnaby makaraan uminom ng tubig matapos ubusin ang kanyang unang tarantula burger. “I like to eat weird food.” (Reuters)