HINDI pa man nauupo bilang PNP (Philippine National Police) chief, nagdeklara na ng giyera laban sa illegal gambling si Gen. Oscar Albayalde.
Ibig sabihin ba nito na matagal nang gigil na gigil sa illegal gambling si outgoing NCRPO chief Albayalde pero hindi niya magalaw dahil mayroon siyang isinasaalang-alang?!
Hindi naman siguro.
Nagkataon lang na iba epekto ng deklarasyon niya bilang incoming PNP chief kaysa dating NCRPO chief.
Aba, e sa south Metro lang, nilargahan na umano ang operasyon ng jueteng sa buong teritoryo ng Southern Police District (SPD) matapos mabasbasan ang bagong jueteng lord na si alyas Jhun Bilorya.
Kay Jhun Bilorya na nga raw nagtakbuhan ang mga dating kabo at personnel ng dating jueteng operator sa south Metro dahil itinaas nang 40 porsiyento ang kita nila.
Bago kaya umalis sa kanyang puwesto si Gen. Albayalde ‘e natawag man lang niya ang atensiyon ni SPD chief, C/Supt. Tomas Apolinario hinggil sa operasyon ni jueteng lord Jhun Bilorya?!
How about CAMANAVA?
Itatanong pa ba natin ang Maynila ‘e kahit saan ka lumingon largado ang sakla at perya?!
Arayku!
E ‘yung mga pulis na ‘intelligent’ kuno pero sa intelehensiya lang magaling?! Mahagupit kaya ng kampanya ni Gen. Oca?
Marami ang naghihintay na kantiin ninyo ang mga ‘pabebe’ at ‘pa-pamper’ na lespu Gen. Oca. Masyado silang ‘nabebe’ dahil sa Operation Tokhang na inilunsad ni Gen. Bato dela Rosa at ‘nalimutan’ ang kampanya kontra illegal gambling.
Pero ngayong nalalapit na ang inyong pag-upo bilang PNP chief, marami ang naniniwala sa hanay ng pulisya na mayroon nang kalalagyan ‘yang mga illegal gambling operator na ‘yan pati ang mga pulis na kanilang protektor.
Suportahan ‘ta ka d’yan, PNP chief, Director General Oscal Albayalde…
Congratulations po!
MALLS NA ‘CODDLER’
NG KOLORUM NA PUBs
& PUVs BINANTAAN
NI USEC. ORBOS
SERYOSO ba talaga si Transportation Undersecretary for Roads Tim Orbos na pagmumultahin ang mga mall na nagkakanlong ng colorum na public utility vehicles and buses (PUVs/Bs) at UV Express na nagbabayad ng terminal fee sa kanila?
O papogi as in press release lang ‘yan?!
Ayon kasi kay Orbos, pagmumultahin umano ang mga mall ng P50,000 sa bawat jeep na kolorum at hanggang P1 milyon sa bawat bus na kolorum.
Ang tanong: pagkatapos bang magmulta, patitigilin na sa pagpasada o gagawin lang ‘ATM’ as in pagpapahingahin nang ilang panahon at pagkatapos ay huhulihin at muling pasusukahin?!
Malaking pitsaan ‘yan, Usec. Orbos!
Itinatanong natin ito dahil kung talagang seryoso si Usec. Orbos sa kanyang kampanya, bakit namamayagpag sa Pasay City ang mga kolorum na bus na biyaheng probinsiya gaya ng Billy Bus?!
Baka mabubuyangyang lang ‘yan kapag may malaking aksidente na maraming nagbuwis ng buhay na kinasasangkutan ng mga kolorum na bus?
At ‘yan ang katotohanan Usec. Orbos, bubusisiin n’yo lang ang public transportation kapag maraming namatay sa isang aksidente.
Huwag naman sanang ganoon na hihintayin munang may malaking aksidente bago linisin ang mga kolorum.
Diyan sa Liwasang Bonifacio, hanggang ngayon ba ay walang pakialam ang tanggapan ni Usec. Orbos sa naglipanang kolorum?!
Usec. Orbos Sir, lawakan naman ninyo ang inyong tingin, huwag pirming EDSA lang ang titig.
Mahirap bang titigan ang Plaza Lawton?!
Umpisahan na ninyo, Mr. Undersecretary!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap