MAJORITY ng followers ni Sofia Andres sa kanyang IG account ay hinihiling sa Star Creatives na pabalikin sa “Bagani” ang character ng kanilang idolo na si Mayari na taga-laot na pinatay na nga sa napanood na episode noong April 5.
Napakarami rin ang nagtatanong kung bakit agad na nag-babu sa nasabing hit drama-fantasy series si Sofia dahil inaasahan ng lahat na malalagasan na agad ng isang miyembro ang grupo ng mga bagani matapos ibuwis ni Mayari ang sariling buhay para protektahan ang mga kapwa taga-laot mula sa hagupit ng nakalayang si Sarimaw (Ryan Eigenmann).
Maging sina Lakas (Enrique Gil) at Ganda (Liza Soberano) ay hindi makapaniwala sa balitang hatid ni Dumakulem (Makisig Morales) na nasaksihan mismo kung paano namatay si Mayari sa isang tama ng kidlat.
Bagama’t nagdadalamhati ay hindi hahayaan ng tatlong bagani na mapunta sa wala ang pagkamatay ni Mayari dahil ito ngayon ang nagsisilbing motibasyon nila na muling magkaisa at gampanan ang responsibilidad na iniatang sa kanila na buo ang puso at loob. Simula pa lang ng kuwento ay kinatawan na ni Mayari ang isang babaeng puno ng pag-asa at pangarap.
Bagama’t isang alipin sa kanilang rehiyon ay nanindigan siya sa paniwalang magkakaroon din ng pantay na trato ang lipunan sa kanila. Sinikap niyang patunayan ang sarili at naging totoo sa sinasabi ng kanyang puso. Sa kanyang pagkamatay at pagkalas ni Lakam (Matteo Guidicelli), paano pa kaya mapababagsak ang natitirang bagani si Sarimaw?
Matulungan kaya sila ni Gloria (Dimples Romana) na pinag-uusapan ang husay sa pagganap sa karakter. Napapanood ang Bagani weeknights pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma