E, ANO pa ang silbi ng binitiwang pangako ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kanyang wawakasan ang lahat ng anyo ng contractualization o ENDO kung hindi rin naman pala niya ito tutuparin?
Ang linaw nang sinabi ni Digong noong nangangampanya pa lamang siya na kanyang wawakasan ang ENDO sakaling maupo siya bilang pangulo ng Filipinas. Pero ang masakit nito matapos ang dalawang taon sa panunungkulan, laganap pa rin ang kontratuwalisasyon sa mga pagawaan at negosyo.
At bakit sasabihin ngayon ng Malacañang na walang kapangyarihan si Digong na wakasan ang lahat ng uri ng kontratuwalisasyon? Katuwiran pa ng Palasyo, hindi sapat ang isang Executive Order para tuluyang mabuwag ang ENDO.
Kung talagang legislative action ang kailangan, bakit ngayon lang ito sinasabi ng Malacañang? Hindi ba’t mas mabuti kung sa simula pa lang ng panunungkulan ni Digong ay inutusan na kaagad si House Speaker Pantaleon Alvarez na magpasa ng isang batas na tatapos sa ENDO?
Ang problema kasi sa Palasyo, pinaikot muna nila ang labor groups at ngayong naiipit na sila ay ibabato nila ang problema sa Kongreso. Ngayong nag-aalboroto na ang labor sector at naniningil na rin ang mga manggagawa, naghahanap na ng palusot ang Palasyo.
Sana naging tapat na lang si Digong sa simula pa lang at sinabi niyang hindi niya kayang tapusin ang ENDO. Hindi na sana pinaasa pa ni Digong na sa pamamagitan ng EO ay mapahihinto niya ang contractualization.
Hindi rin totoo na magpapasa ng isang batas ang Kongreso para wakasan ang contractualization dahil mayorya sa mga mambabatas ay pawang mga kapitalista. Hindi ba’t ibinuro sa Kamara ang isang panukalang batas na tunay na nagbubuwag sa contractualization?
Sa halip, ang sinuportahan ng mga kaalyado ni Digong ay House Bill 6908 na hindi naman tunay na magbibigay-daan para wakasan ang lahat ng uri ng contractualization.
Kaya nga, sa mga susunod na araw tiyak na magulo ang labor groups dahil sa ilulunsad na sunod-sunod na kilos protesta at demonstrasyon para kalampagin ang administrasyon ni Digong. Tiyak matindi ang gagawing rally ng mga manggagawa at higit na paiigtingin ito sa Araw ng Paggawa sa Mayo Uno.
Kung tutuusin, malaki ang kasalanan ni Labor Sec. Silvestre Bello III kung bakit lumala ang usapin sa ENDO at ngayon si Digong ang sinisisi ng labor group. Sa simula pa lang kasi, nagyabang na si Bello na tutuparin niya ang pangako ni Digong na wakasan ang ENDO pero hindi naman pala kayang panindigan.
Ngayon huli na ang lahat, si Digong ang nakasalang, at asahang nakasentro sa pangulo ang batikos ng mga manggagawa sa Labor Day. Kaya kung mayroon pang kahihiyang natitira itong si Bello, dapat ay magbitiw na siya sa kanyang puwesto.
SIPAT
ni Mat Vicencio