ILAN kaya ang natuwa sa pagpapasara ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa isla ng Boracay para sa publiko?!
Tiyak kaunti lang.
‘Yung mga sumusunod sa batas at namumuhunan nang malaki para maisaayos ang kanilang mga establisyemento, tiyak na isa sila sa masasama ang loob ngayon dahil hindi lang apektado kundi luging-lugi sila ngayon.
Ano ang gagawin nila sa loob ng anim na buwan?
Paano nila babawiin ang puhunan nila?! Lalo na ‘yung mga nangutang sa banko o sa mga lending company na kailangan nilang bayaran buwan-buwan.
‘Yung mga residente na ang tanging inaasahang pagkukuhaan nila ng kabuhayan ay mga estblisyementong nagnenegosyo sa Boracay, ano ang alternatibo nilang kabuhayan?
Bakit nga ba hindi naaprobahan ang selective closure?!
‘Yun bang tipong, phase by phase ang pagsasara para naman may pagkukuhaan pa ng kabuhayaan ang mga tao?!
Ang kompanya ng mga eroplanong apektado? Ang mga kanseladong flight?
At ang mga nagplano ng kanilang bakasyon?! Paano na?!
Anyway, hindi pa naman end of the world ang pagpapasara sa Boracay.
Baka nga sa pagsasarang ito, ma-explore pa ng ilang bakasyonista ang ibang magagandang isla sa Filipinas gaya sa Samar islands.
O kaya panahon na para dayuhin ang Panglao island sa Bohol?
Mahal ang airfare sa Palawan, pero tiyak na marami pang isla sa Palawan ang hindi pa nararating ng marami gaya sa El Nido.
Sa Luzon, napakaraming isla ang hindi pa nai-explore.
Hindi lang Boracay ang puwedeng magpasigla sa turismo ng bansa. Hindi lang ang Boracay ang paraiso, ang buong Filipinas ay isang paraiso para sa mga dayuhan.
Ito lang siguro ang dapat bantayan, baka naman sa pagsasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan, kapag nagbukas ito ay nakatindig na ang Galaxy hotel & casino?!
‘Yun lang!
Pansamantala, dapat pag-isipan ng mga awtoridad kung paano pananagutin ang mga naunang administrasyon sa ginawang kapabayaan sa Boracay.
‘Di ba, Secretary Roy Cimatu?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap