ILAN kaya ang natuwa sa pagpapasara ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa isla ng Boracay para sa publiko?!
Tiyak kaunti lang.
‘Yung mga sumusunod sa batas at namumuhunan nang malaki para maisaayos ang kanilang mga establisyemento, tiyak na isa sila sa masasama ang loob ngayon dahil hindi lang apektado kundi luging-lugi sila ngayon.
Ano ang gagawin nila sa loob ng anim na buwan?
Paano nila babawiin ang puhunan nila?! Lalo na ‘yung mga nangutang sa banko o sa mga lending company na kailangan nilang bayaran buwan-buwan.
‘Yung mga residente na ang tanging inaasahang pagkukuhaan nila ng kabuhayan ay mga estblisyementong nagnenegosyo sa Boracay, ano ang alternatibo nilang kabuhayan?
Bakit nga ba hindi naaprobahan ang selective closure?!
‘Yun bang tipong, phase by phase ang pagsasara para naman may pagkukuhaan pa ng kabuhayaan ang mga tao?!
Ang kompanya ng mga eroplanong apektado? Ang mga kanseladong flight?
At ang mga nagplano ng kanilang bakasyon?! Paano na?!
Anyway, hindi pa naman end of the world ang pagpapasara sa Boracay.
Baka nga sa pagsasarang ito, ma-explore pa ng ilang bakasyonista ang ibang magagandang isla sa Filipinas gaya sa Samar islands.
O kaya panahon na para dayuhin ang Panglao island sa Bohol?
Mahal ang airfare sa Palawan, pero tiyak na marami pang isla sa Palawan ang hindi pa nararating ng marami gaya sa El Nido.
Sa Luzon, napakaraming isla ang hindi pa nai-explore.
Hindi lang Boracay ang puwedeng magpasigla sa turismo ng bansa. Hindi lang ang Boracay ang paraiso, ang buong Filipinas ay isang paraiso para sa mga dayuhan.
Ito lang siguro ang dapat bantayan, baka naman sa pagsasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan, kapag nagbukas ito ay nakatindig na ang Galaxy hotel & casino?!
‘Yun lang!
Pansamantala, dapat pag-isipan ng mga awtoridad kung paano pananagutin ang mga naunang administrasyon sa ginawang kapabayaan sa Boracay.
‘Di ba, Secretary Roy Cimatu?!
JUETENG
SA SOUTH-METRO
NILARGAHAN NA!
(ATTENTION: NCRPO
Dir. Gen. OSCAR
ALBAYALDE)
LARGADO na naman pala ang operasyon ng jueteng sa buong teritoryo ng Southern Police District (SPD) matapos mabasbasan ang bagong jueteng lord na si alyas Jhun Bilorya.
Sa kanya na nagtakbuhan ang mga dating kabo at personnel ng dating jueteng operator sa south Metro dahil itinaas nang 40 porsiyento ang kita nila.
Ayon sa Bulabog boy natin sa PNP-SPD, ilang tiwaling pulis na nakadikit sa SPD Office of the Director ang nagbigay umano ng go-signal para i-operate ni Bilorya ang kanyang jueteng den sa buong distrito.
Ipinagyayabang pa umano ni alyas Bilor-ya na inareglo na rin daw niya ang I.N.T. ng mga mayor ng bawat lugar maging ang mga chief of police at mga barangay na nakasasakop kung saan siya may operasyon ng jueteng.
Kaya nga raw mabilis na nailatag ni alias Bilorya ang kanyang organisadong jueteng sa Pasay City, Taguig, Makati, Muntinlupa, Las Piñas at Parañaque dahil plantsado na ‘lahat?’
Ang pinagtatakhan ng ilang mga nagmamalasakit na mamamayan, bakit tila hindi ginagalaw at hinuhuli ng pulisya ang jueteng operation ni alias Bilorya gayong mahigpit ang utos ni PNP chief, Director Gen. Bato dela Rosa na sugpuin ito?!
Anyare sa one-strike policy versus tengwe!?
Sonabagan!!!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap