KAPAG nasa government service wasto lang na mag-set ng mission, vision and goal, lalo na kung regular unit or agency na ang mga namumuno ay career official at may accountability, hindi co-terminus appointment na after their term ‘e hindi na mahagilap.
Sinasabi natin ito dahil sa nabasa nating pasiklab ‘este pronouncement ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) spokesperson Greco Belgica sa isang press conference noong nakaraang Semana Santa sa Manila Yacht Club na lahat ng government official ay isasalang nila sa lifestyle check.
Bilib din naman tayo kay Commissioner Greco, Semana Santa ay nagtatrabaho at nagbabanta sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Ayon sa Commissioner Panghahawakan nila ang resolution no. 3 ng PACC na nagbibigay sa kanila ng awtoridad na magsagawa ng lifestyle checks sa lahat ng government officials.
Ang tanong ay hindi lang ‘yung paano nila ipapatupad ito kundi, kaya ba nilang gawin at magkakaroon ba ng resulta?!
O baka naman PR as in ‘papogi release’ lang ‘yan?!
Uumpisahan umano nila sa mga ulo-ulo ng bawat departamento/ahensiya ng pamahalaan, isusunod ang local government officials (LGUs), at pagkatapos ay mga mambabatas.
Magiging basehan ng kanilang imbestigasyon ang sasamsamin nilang kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs).
Kapag hindi magkatugma ang SALN at ang estilo ng pamumuhay ng mga nabanggit na opisyal, awtomatikong isasalang sa lifestyle check.
Ang isa pang tanong, gaano kabilis nilang gagawin ito at kung hanggang kailan?!
Walang masama sa sinasabi ni Commissioner Greco lalo na kung kaya nilang gawin ‘yan.
Ang kuwestiyon lang, measurable ba ‘yang sinasabi ni Commissioner?
Hindi ba’t malinaw na sinabi niyang, case build-up lang sila at ipapasa rin nila sa regular na law enforcement agency?!
Paano matitiyak ng PACC na hindi magagamit ang ‘lifestyle check’ na ‘yan sa pananakot at pangingikil? Anong grupo ang nakatalaga para ipatupad ‘yan?! Sigurado bang hindi masusuhulan ang mga itatalaga nilang magtrabaho sa ‘life-style check’ ng isang government official?!
Bakit natin itinatanong ito?
Kasi po, ayaw na nating madagdagan pa ang ‘gulo’ dahil hindi malayong mangyari na magamit ‘yan sa panggigipit lalo na ngayong papalapit na ang eleksiyon.
Huwag pong padalos-dalos sa pagpapapogi, mas maiging magtrabaho na muna kaysa dumaldal.
‘Yun lang po.
WALA PA RIN
PAGBABAGO
SA RELEASING
NG PASSPORT
ILANG beses na tayong nananawagan sa Department of Foreign Affairs hinggil sa hindi malutas-lutas na makupad na releasing ng passport gayondin ang pagkuha ng online appointment.
Matagal nang problema ito at heto nga, balik sa dating reklamo ng marami nating kababayan — matagal kumuha ng appointment at hi-git sa lahat matagal na naman ang releasing.
Secretary Alan Peter Cayetano Sir, mukhang hanggang ngayon hindi pa rin ninyo maresolba ang makupad at problemadong pagtatrabaho ng APO-UGEC na hindi natin maintindihan kung bakit hindi mabawi-bawi ng DFA para ibalik na muli sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pag-iimprenta ng passports.
Secretary Alan Sir, puwede bang tama na ang biyahe at tutukan mo na ang problemang ‘yan sa passports application, printing and releasing?!
Klaro po ang sinabi noon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, “I want a one-stop shop of sorts. I do not want to see the Filipino people queueing, lining up. They should be given stubs that contain the date they go back to pick up their documents and signed by the receiving clerk.”
Sinabi niya ‘yan sa kanyang unang Cabinet meeting, pero nakailang Cabinet meeting na ba mula noon?!
May ilang ahensiyang bumilis pero hanggang ngayon, sa DFA passport releasing, ganoon pa rin…
Hindi lang pila, nganga, kasi puwde pang ma-delay. Napaso na o wala nang bisa ang visa ng bansang pupuntahan pero ang passport, waley pa rin…
Anong petsa na, Secretary Alan, Sir?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap