MAINIT pa rin ang talakayan hanggang ngayon kung dapat ba talagang magtayo ang China ng isang resort-casino sa Boracay.
Maging ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Roy Cimatu ay umamin na ang pagsisikap upang mapaluwag ang Boracay ay hindi tumutugma sa plano ng Galaxy Entertainment Group na nakabase sa Macau na magtayo ng casino na may sukat na 23-ektarya, posibleng magkaroon ng 250 silid at nagkakahalaga ng $500 milyon sa naturang isla.
Sa kabila ng katotohanang nabigyan na ng provincial license ang Galaxy para magpatakbo ng casino ay kailangan din umano nilang makatupad sa hinihinging requirements ng DENR bago nila maituloy ang proyekto.
Inatasan na raw ni Cimatu ang DENR ecosystems research and development bureau upang alamin ang maximum na bilang ng tao na puwedeng kumasya sa isla. Ang unang pagsasaliksik ay ginawa may 10 taon na raw ang nakalilipas at sa panahong iyon ay natuklasan na malapit na raw umabot sa limitasyon ang kapasidad ng Boracay. Pagkalipas ng 10 taon ay hindi naman imposibleng isipin na naabot na ng Boracay ang limitasyon nito.
Sa bagong pag-aaral na ito na inutos ni Cimatu nakasalalay kung ang Galaxy ay mabibig-yan ng environmental compliance certificate (ECC). Ang ECC ay kinakailangan bago payagan ang pagtatayo ng bagong estruktura sa isla.
Iba-iba ang tinatantiyang bilang ng mga turista na bumibisita sa Boracay. Ayon sa grupong Tourism Congress of the Philippines ay 18,800 turista ang regular na bumibisita sa isla at nagta-tagal dito nang tatlong araw. Nagpahayag naman si tourism development specialist Mark Evidente na ang mga turista sa Boracay ay 14,182 araw-araw. Ang maliwanag nga lang ay nagtataas ito sa pagdaan ng mga taon.
Nagpahayag si President Duterte sa hangaring ipasara ang Boracay dahil naging palikuran umano ito. Ayon sa DENR ay may 17.5 milyong litro ng wastewater ang pinakakawalan ng isla ng Boracay araw-araw. Kalahati raw nito ang nabibigyan ng kaukulang treatment samantalang ang natitirang kalahati ay hindi. Ang 30 hanggang 40 porsiyento nang hindi na-treat na wastewater ay mula sa mga pribadong bahay at ang iba ay sa mga establisiyementong pangnegosyo.
May nagtataka kung bakit napunta ang atensiyon ng Malacañang sa Boracay. Pero ang kuwestiyon ng Firing Line ay kung bakit pumayag ang Malacañang na makapasok ang proyekto ng pagtatayo ng casino sa Boracay habang nasa kasagsagan ng mga plano para ma-rehabi-litate ang isla kasama ang pasususpende sa mga bagong proyekto ng konstruksiyon?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.