Friday , November 15 2024

QCPD PS 6, nalusutan ba? Hindi, isolated case lang…

NAKALULUNGKOT ang nangyari sa magkaibi­gang itinumba at tinangayan ng bag (may lamang cash marahil) sa Quezon City nitong Easter Sunday.

Bakit? Ang lugar kasi ng pinagyarihan – San Mateo – Batasan Road sa Barangay Batasan Hills, Quezon City ay laging may mga nakabantay na mga awtoridad – pulis QC, madalas kinabibila­ngan ng taga-traffic division, mga pulis-QC pa rin na madalas umaalalay sa nagpapatupad ng smoke belching, traffic aide/enforcers mula DPOS/ MMDA.

Nakalulungkot ang ‘ika ko, dahil tila natsambahan ang dalawa sa kabila na paboritong lugar ito ng mga nabanggit natin mula iba’t ibang yunit ng awtoridad.

Nitong Easter Sunday o nang mangyari ang krimen, tila nagkataong wala silang lahat.  Isa man sa mga nabanggit na awtoridad ay wala o hindi nagawi sa lugar. Ops, don’t misinterpret it ha. Hindi ang mga awtoridad ang nasa likod ng krimen.

Marahil, kaya walang nagawi sa mga nabanggit dahil… nahiya siguro sila sapagkat ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesu Kristo.

Ang pinangyarihan ay paboritong lugar ng mga (karamihang) nakiligaw na awtoridad. Oo, halos araw-araw may nagagawing kakaibang klaseng awtoridad dito. Bakit? Para manghuli nang manghuli. Hindi po checkpoint.

Manita nang manita, manghuli nang manghuli, ang mga ‘dayong’ awtoridad. Manghuli para mangotong. Mga closed van, van, UV express, ang paboritong sitahin ay mga motorsiklo pero ang totoong pakay ay kotongan.

Ewan ko nga ba kung bakit wala sila nitong nagdaang Linggo samantala kahit linggo ay rumaraket sila sa lugar.

Kaya, sinasabi kong tila minalas ang dalawa dahil kung naroon siguro ang mga mangongotong, marahil ay nasawata o hindi natuloy ang plano ng riding-in-tandem sa magkaibigang biktima na kapwa residente ng Cainta, Rizal. Yes, kahit na paano sana ay nakatulong ang presensiya ng mga mangongotong. He…he…he… pero hindi ko sinasabing magsibalikan sa lugar ang mga mangongotong para lamang magkaroon ng police visibility sa pinangyarihan – halos boundary ng San Mateo, Rizal at Quezon City at sa halip, da-pat siguro na magtalaga ng mga pulis sa lugar o maglagay ng Police Community Precinct.

Masyado kasing malayo na rin ang PCP 2 sa pinangyarihan, nasa itaas pa — sa kanto ng Daki­la St., at San Mateo – Batasan Road. Tatlong  kanto ang layo sa mismong QCPD Batasan Police Station 6. Napakalayo ng PCP 2 sa pinangyarihan ng krimen. Ba’t nga ba masyadong dikit ang PCP sa estasyon? Dapat siguro ilipat ito sa ibaba.

Maaari rin maglagay ang PS 6 ng isa pang PCP malapit sa boundary ng San Mateo – Quezon City hindi lamang para masawata ang mga kriminal kung hindi maging ang mga dumarayong mangongotong na awtoridad sa lugar.

Sa nangyari, suhestiyon ko lang ito Chief  Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, QCPD Director, maglagay po tayo ng PCP sa lugar. Sa gabi, delikado rin ang lugar – maraming naglalakad dito pauwi. Pauwi sa San Mateo mula Quezon City.

Sapilitang bumababa mula sa PUJ ang mga taga-San Mateo  dahil sa cutting trip na ginagawa ng mga jeep na biyaheng San Mateo mula sa EVER Commonwealth, Quezon City.

General Eleazar sir paki lang po, ipasilip po ninyo sa Traffic Enforcement Unit (TEU) ang estilo ng mga jeep — cutting trip. Kawawa naman ang mga pasareho – ibinababa sila sa kanto ng North View Subdivision, Batasan Hills. Pero ang talagang biyahe ng PUJ  ay hanggang San Mateo. Bawal ang cutting trip — sa tapat ng EVER pa lang ay puwede na silang sitahin o hulihin… doon pa sila pumipila sa may sakayan – Commonwealth Avenue.

Pero ano pa man, unfair sa PS 6 na pinamumunuan ni Supt. Rossel Cejas bilang station commander, halos araw – araw naman nagsasagawa ang estasyon ng checkpoint sa Upper (kanto ng Dakila) at Lower San Mateo – Batasan Road para sa seguridad ng mamamayan, kaya hindi masasabing nagkulang ang opisyal o ang estasyon sa pagbabantay sa kanilang  area of responsibility.

Napakalawak yata ng AOR sa PS 6 – umaabot din ito sa boundary ng Montalban, Rizal.

Ang nangyari nitong Linggo ay masasabing isolated case – oo dahil hindi naman araw-araw o linggohan na may napapatay o nangyayaring krimen sa lugar. Alam naman natin, kahit na paano ay may utak rin ang mga masasamang elemento — holdaper at iba pa. Maaaring pinag-aralan nila kung anong oras at araw nagsasagawa ng checkpoint ang PS 6 sa lugar bukod sa pinag-aralan din nila ang aktibidad ng kanilang biktima o bibiktimahin. Kaya, hayun natsambahan ang magkaibigan nitong Linggo.

Naniniwala naman tayo na agad malulutas ng QCPD ang krimen para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng dalawang biktima.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *