LUMARGA na naman pala ang mga kawatan sa mga paliparan dahil nga sa huling balita na isang Japanese tourist ang naisahan nitong Semana Santa.
Posible rin na mas marami pang insidente ng nakawan ang nagaganap sa paliparan na hindi lang napapaulat, at nagkataon lang na hindi napalampas ang insidente na kinasangkutan ng isang turistang Hapones.
Nawala sa turista ang 1,700 Australian dollars (o P68,000) matapos dumaan sa routine baggage inspection ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Semana Santa. Hindi rin naman nagtagal at nahuli agad ang dalawang kawatan at nakakuha pa ng ebidensiya sa kanila matapos mabawi ang 300 Australian dollars.
Ironic na masasabi ang insidenteng ito dahil naganap ang nakawan ilang araw lang ang nakalipas matapos tanghalin ang NAIA bilang isa sa “most improved” airports sa buong mundo. Ito ay base sa survey na ginawa ng London-based research firm na Skytrax.
Inisa-isa ng Skytrax ang dahilan kung bakit nasali ang NAIA bilang most improved airports sa buong mundo gaya nang pagsasaayos ng comfort rooms, check in, arrivals, transfers, seguridad at immigration.
Ngayong bumalik na naman ang mga kawatan sa mga airport, hindi imposible na bumalik na naman ang Filipinas sa listahan ng worst airports sa buong mundo, lalo na kung pagbabasehan ang seguridad.