NILINAW ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepepton” E. Goitia na may solusyon ang ulat na 10 beses na mas malala ang lawas-tubig ng Metro Manila kaysa Boracay Island sa polusyon.
“Ang problema ng Kamaynilaan sa mga solid waste at waste water management ay malinaw na makasampung higit kaysa Boracay kaya naman napakahalaga para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na apurahin ang konstruksiyon at ope-rasyon ng mga sewerage treatment facility para sa buong kabiserang rehiyon,” ani Goitia na nitong Marso lamang nagmarka sa isang taong panunungkulan.
Nilinaw ni Goitia na naging mahigpit ang PRRC at ang mga ka-partner na ahensiyang kagaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Laguna Lake Deve-lopment Authority (LLDA) sa pagbibigay proteksiyon sa magkakapatid na Ilog Pasig, Manila de Bay at Look ng Laguna mula sa lumalabag na mga residente at komersiyal na establisiyemento.
“Isinasagawa namin ang araw-araw na pagmo-monitor at malawakang paglilinis hindi lamang sa mga ilog kundi pati na rin ang mga estero at sapa upang makalaya ang mga dalu-yang tubig mula sa mga solidong basura na maaaring makapagdulot ng bara, baha at kamata-yan ng ilog,” diin ni Goitia. “Sa tulong ng mga local interagency committees sa bawat siyudad, patuloy naming inililikas ang informal settler families tungo sa isang disente at makataong proyektong pabahay ng ating pamahalaan.”
“Nakalulungkot lamang isipin na hindi pa rin nila nababatid na may buhay na umiiral ngayon sa Ilog Pasig. Nagawa na naming buhayin ang dating patay na ilog. Habang hindi pa namin ito inirerekomenda para makapamingwit at makalangoy, marami ng mga lokal na mamimingwit ang makapagpapatotoo na dumarami na ang uri ng isda sa ilog,” paglilinaw ng PRRC chief.
“Parami nang parami pa ang mga ibon na nagtutungo sa ilog upang makahuli ng kanilang mga kakainin. Maaari kayong sumama sa akin sa pag-iinspeksi-yon ng ilog at ng mga tributaryo nito upang maamoy at makita n’yo mismo.”
Idinagdag ni Goitia na upang lubusang masagip ang mga daluyang tubig, nararapat na maiugnay ang lahat ng mga kabahayan at komersiyal na establisiyemento sa mga sewerage treatment facility na pipigil sa kanila upang muling patayin ang minamahal nating Ilog Pasig.
“Inihahatag namin ang aming suporta sa MWSS kasama ang aming mga ka-partner na ahensiyang Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Corp,” dagdag ni Goitia. “Bukod rito, sinusuportahan at sumasaludo kami sa DENR, Department of Tourism at Department of Interior and Local Government sa kanilang determinasyon at pananaw na mailigtas ang Boracay mula sa pagkasira at pagkamatay nito.”