NITONG nakaraang Huwebes, 29 Marso, pagluluksa ang nararapat na ginawa ng mga pulang mandirigma sa ika-49 anibersaryo ng pagkakatatag ng New People’s Army o NPA.
Tahasang masasabing bangkarote na ang ipinaglalabang ideolohiya ng NPA. Sa mga kanayunan, maging sa mga liblib na bayan o baryo, ang popularidad ng NPA ay kasing baho ng basura. Hindi na ito katulad noon na ang pagkilala sa mga pulang mandirigma ay tulad ng kinang ng ginto.
Ang NPA ngayon ay maihahalintulad sa ‘kinang’ ng puwet ng baso!
Sinayang ng NPA ang kanilang pagkakataon noong nakikibaka sila sa ilalim ng diktadurang Marcos. Maraming naging abusadong miyembro ng NPA. May naging babaero, lasenggo at ang iba ay naging berdugo tulad din ng mga abusadong militar.
Sino ang makalilimot sa ginawang purging o pagpupurga ng kilusan noong dekada ‘80 sa mga kabataang aktibista? Hindi iilang “tibak” ang pinahirapan at pinatay ng NPA dahil sa maling mga paratang at kahibangan ng kilusan.
At sino rin ang makalilimot sa ginawa ng NPA kay Benny Clutario? Dahil lamang sa maling bintang, dinukot si Benny ng NPA at pinahirapan. Malaki ang timbang na nawala kay Benny, ang kanyang ngipin ay halos nalagas at nag-iwan din ng mga pilat sa kanyang binti ang ginawang pahirap ng mga berdugong pulang mandirigma.
Nakalaya si Benny sa kamay ng mga berdugong NPA matapos aminin ng kilusan ang kanilang pagkakamali. Ganoon lang?!
Walang ipinagkaiba ang NPA sa mga sundalo ng AFP!
Dahil siguro sa kamangmangan ng NPA, kaya nawala na ang tinatawag na kritikal na pagsusuri para sabihing kung ang isang akusadong “kasama” ay totoo ngang Deep Penetration Agent (DPA) o hindi.
Sino ngayon ang mananagot sa mga pinaslang at tinortyur ng NPA na tunay na mga kasama na wala namang mga kasalanan?
Masuwerte si Benny dahil maraming nagmamahal sa kanyang mga kaibigan. Sa ngayon, si Benny a.k.a Troy at Badjao ay nasa UK matapos makahingi ng political asylum. Malaki ang sakripisyo ni Benny sa kilusan at nakalulungkot kung bakit mismo ang NPA ang dumukot at tumortyur sa kanya.
Kaya nga, wala talagang dapat na ipagdiwang sa anibersaryo ng NPA. Nakasusuka ang pinaggagawa ng mga pulang mandirigma na hanggang ngayon ay patuloy na sinasamba ang matandang hukluban at bundat na si Joma Sison na nagpapasarap sa The Netherlands.
SIPAT
ni Mat Vicencio