ANO nga mayroon sa mga ipinagbabawal na droga, shabu, cocaine, marijuana at iba pa, at tila marami pa rin ang nahihibang?
Naitanong natin ito sapagkat, sa kabila ng mahigpit na kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP), nakapagtatakang, hindi pa rin nauubos ang droga lalo ang mga nagtutulak o nagbebenta nito. Siyempre, maging ang mga gumagamit.
Katunayan, marami o libo-libo na rin ang napapatay sa iba’t ibang drug operation ng pulisya pero, wala pa rin takot sa pagbebenta ang mga tulak gayondin ang mga gumagamit.
Kahirapan ba sa buhay ang totoong dahilan ng mga pusher o katamarang maghanap ng trabaho o magtrabaho? Napakadali kasing kumita sa pagbebenta ng droga hindi tulad ng normal na trabaho na talagang buwis buhay bukod sa hihintayin mo pa ang “15-30” para kumain.
Pero ano pa man, kahit na patuloy na ‘nanganganak’ ang mga nagbebenta ng droga, hindi naman sumusuko ang pulisya natin sa kanilang kampanya — tuloy ang lahat ng operasyon laban sa droga.
Heto nga nitong Linggo ng madaling-araw, umabot sa P178,000 droga — cocaine at ecstasy ang nakompiska ng mga operatiba ni Supt. Igmedio Bernaldez, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station 11, sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU). Katuwang ng tropa ni Belnealdez sa operasyon ang District Drug Enforcement Unit na pinamumunuan naman ni Supt. Ferdinand Mendoza.
Sa isang apartelle sa Brgy. Imelda, Quezon City dinakip ang dalawang tulak na kapwa call center agent makaraang bentahan ng droga ang mga operatibang nagpanggap na buyer.
Apartelle ang ginagamit na lugar ng bentahan ng mga tulak sa kanilang parokyano para hindi daw halata – magte-check-in silang bilang ordinaryong kustomer. Pero ang estilo ng mga tulak na kapwa call center agent na sina Kevin Costes, 21, ng Sta. Rosa, Laguna at Chrestein Deryck, 21, call center agent at residente ng Parañaque City, ay hindi nakalusot sa QCPD.
Hayun, kalaboso ang dalawa bilang resulta nang ikinasang police surveillance at buy bust operation ng Galas PS 11 SDEU at DDEU.
Ayon naman kay QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang tropa laban sa supplier ng dalawa.
“Kung hindi sila tumitigil sa pagbebenta ng droga, mas lalo kami sa QCPD. Hindi kami titigil hindi para sa PNP kung hindi para sa mamamayan lalo na para sa kaligtasan ng bawat indibiduwal. Higit sa lahat din ay para sa kinabuksan ng kabataan maging ng mga susunod na henerasyon,” pahayag ni Eleazar.
Tinext natin si Bernaldez para sa mga pangalan ng kanyang mga tauhan na nagsagawa ng operasyon para mabigyan ng kredito pero, wala po tayong natanggap na reply hanggang ngayon (10:30 am – March 19, 2018). Kaya sa mga nasa likod na operasyon, sa susunod ko na lang po babanggitin ang inyong mga pangalan.
Ano pa man, kilala naman ninyo ang inyong mga sarili, saludo po kami sa inyo. Maraming salamat po sa inyo. Ingat lagi mga bayani ng bayan.
***
Dito naman sa Antipolo, Rizal, batid kong masisipag din ang mga pulis dito — kaliwa’t kanan din ang kanilang operasyon laban sa droga. Siyempre, ganoon din ang Pasig City.
Pero, totoo ba itong impormasyon na napapabayaan na ng Antipolo Police ang kampanya laban sa ilegal na sugal? Bakit? Paano kasi, talamak na naman ang operasyon ng bookies ng lotteng at EZ2 dito ng isang alyas “Bong S.” At ang masaklap, totoo rin bang mga pulis-Antipolo rin ang nasa likod ng operasyon?
Totoo bang binigyan ng ilang opisyal at tauhan ng Antipolo police ng basbas si alyas “Bong S.?” Kung totoo man ito, magkano ang kapalit — lingguhang intel? Iyan lang naman ay kung mayroon?
Teka, hindi ba may legal na sugal — PCSO STL sa Rizal, paano nakalusot si alyas “Bong S.?”
Kung libreng-libre naman si alyas “Bong S.” sa Antipolo, aba’y hindi rin pala nagpapatalo si alyas “Laarni” sa Pasig City. Balik operasyon at talamak na naman ang bookies ng lotteng at EZ2 ni alyas “Laarni.”
Kaya naman pala, luging-lugi ang STL sa Rizal at Pasig dahil sa talamak na naman ang bookies ng lotteng at EZ2 nina alyas “Bong” at alyas “Laarni.”
PNP chief, Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, tila tablado ang direktiba mo sa Rizal at Pasig laban sa ilegal na sugal.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan