UNISON ang tono ng Senado sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) sa Kongreso.
Ang target nina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III at Liberal Party president and Senate Minority Leader Francis Pangilinan wakasan ang political turcoatism at dynasty na talamak na umiiral sa mahabang panahon sa ating bansa.
Para kay Sen. Kiko dapat wakasan ang political turncoatism at dapat itong itakda sa Konstitusyon. Ganoon din ang isinusulong ni Sen. Koko na anti-political dynasty.
Partikular na nais i-ban ni Sen. Kiko ang mga political butterflies dahil ang mga ganoong politiko ay wala umanong prinsipyo at naglilingkod lamang sa kanilang sariling interes.
Kung mangyayari raw iyan ang bawat political party ay magagabayan ng mga prinsipyo at hindi ng mga personahe.
Kung sakali, ito ang malaking pagbabago na maitatakda sa Charter change na ang tinutumbok ay paglikha ng sistemang federal sa pamahalaan.
E sa totoo lang, kapag nangyari ‘yan, baka walang matira sa mga mambabatas natin dahil lahat sila ay ilang beses nang nagpapalit-palit ng partido at bumali-baliktad.
Hindi lang turncoatism, kumbaga sa kotseng naaksidente sa kalsada nag-turn-turtle na ‘yang mga politikong ‘yan. Basag-basag at yupi-yupi na nga pero nagagawa pang ‘makapaghilamos’ ng mga hilatsa nila.
Sabi nga ng mga mekaniko, ‘masilya at Anzal’ lang ang katapat ng mga politikong ginawang “lucrative job and business” ang serbisyo publiko
Arayku!
Yes, mga suki! At alam na alam nating lahat na malaking porsiyento ng mga politiko ay ganyan ang ginagawang sistema.
Ang ‘loyalty’ nila ay wala sa partido lalo na sa bayan kundi nasa sariling interes nila.
At ‘yan din mismo ang numero unong rason kung bakit ang nais tuldukan ni Sen. Koko na political dynasty ay nanatili at namamayagpag sa mahabang panahon sa ating bansa.
Ayon kay Sen. Koko, ang kanyang mungkahing Federalismo bilang sistema ng pamahalaan ay magbabawal sa pamilya ng mga politiko hanggang sa second degree of affinity and consanguinity na pumasok sa ‘serbisyo publiko.’
“We want to change the system. Federalism espouses increased accountability which will lead to change in political culture,” ani Pimentel.
Hindi kasi magiging epektibo ang Federalismo sa Filipinas kung hindi mawawakasan ang political dynasty.
Kapansin-pansin na maraming probinsiya, lungsod o munisipyo sa bansa na kapag political dynasty ang namumuno hirap na hirap ang kanilang constituents.
Kahit na itinatakda sa Section 26, Article 2 ng 1987 Constitution ang pagbabawal sa political dynasties wala naman itong kangipin-ngipin.
Isa lang ang ikinabilib natin sa mga panukalang ito — mismong mga kapwa-politiko ang nagsusulong ng mga batas na magwawakas sa kapalaluan ng ibang politiko.
Ang tanong lang natin dito, magtagumpay kaya ‘yan kahit maaprobahan ang Charter change?!
Abang-abang na naman tayo, wish lang natin na sa bandang huli e hindi nganga ang sambayanan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap