SA darating na June ng taong kasalukuyan ay tila ipatutupad na ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay.
Ito ay napag-usapan din sa ginawang “Senate hearing” noong nakaraang linggo na pinangunahan ng mga senador na sina Cynthia Villar, Loren Legarda, Juan Miguel Zubiri at Joel Villanueva.
Nandoon din sina DENR secretary Roy Cimatu, DOJ Undersecretary Antonio Kho, Jr., DOT Secretary Wanda Teo, DILG Secretary Eduardo Año at DOT Usec. Kat De Castro.
Pangunahing usapin ang violations tungkol sa “waste disposal” ng mga nakatayong establisiyemento sa nasabing isla.
Nandiyan din ang pagpapatupad ng “25 plus 5” meters mandatory salvage zone na kinakailangang magiging distansiya ng buildings and establishments sa shoreline and high tide mark.
Ayon sa mga senador at mga miyembro ng gabinete, “very firm” daw ang pangulo na ipatupad ang kanyang direktibang pagsasara para na rin mabigyan ng leksiyon ang mga sumalaula sa kagandahan ng isla.
Kung totoong magaganap ito, siguradong halos 75 porsiyento ng mga nakatayong negosyo mula station 1 hanggang station 3 sa Boracay ay tatamaan.
Nakatakda rin mawalan ng hanapbuhay ang ilang libong residente ng Malay, Aklan na umaasa sa negosyo at kalakalang dala ng turismo.
Hindi lang mga taga-Boracay kung sakali ang nakatakdang maapektohan. Nandiyan din ang airports ng Kalibo at Caticlan na siguradong hihina kung sakaling wala nang pupuntahan ang mga turista.
Ngayon pa lang daw ay marami nang nagkansela ng kanilang bookings sa iba’t ibang hotels pati sa airlines kahit paparating na ang summer season sa susunod na buwan.
Sana naman ay magawan ng paraan agad ng pamahalaan na maayos sa madaling panahon ang tungkol sa “waste management disposal” para hindi maapektohan ang turismo sa lugar.
Harinawa…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap