MAY kinalimutan pa ba ang Pangulong Duterte na bigyan ng salary increase sa mga kawani na may kaugnayan sa pagtatanggol sa mamamayan o bansa sa kalaban ng gobyerno?
Wala naman na siguro. Lamang talagang hindi yata maiwasan na sa kabila ng dagdag suweldo ng Pangulo sa mga pulis at sundalo, mayroon pa rin mga pasaway. Sige pa rin sa pangongotong, pagbebenta ng droga o pagbibigay ng proteksiyon sa mga ilegal na negosyo kapalit ay protection money.
Pero ilan sa kanila ay nadakip na at sinampahan ng kasong administratibo (para sa summary dismissal) at kriminal. Mabuti nga sa inyo. Napakataas na nga ng suweldo ninyo, sige pa rin kayo sa katarantaduhan. Nagpulis ba kayo para…
Anyway, lahat na ba na may kinalaman sa pagtatanggol sa bansa ay kasama sa salary increase ni Pangulong Duterte? Wala nga bang kinalimutan ang Pangulo?
E, ang CAFGU natin, nakasama ba sila sa salary increase o allowance increase?
Naitanong natin ito kasi, nakatanggap tayo ng tawag at text mula sa ilang CAGFU natin sa Negros Oriental at Occidental. Nang marinig daw nila nitong nakaraang buwan ang hinggil sa salary increase para sa mga sundalo at pulis, inakala nilang kabilang ang CAFGU.
Pero pagpasok ng 2018 o sa unang pagkuha ng suweldo/allowance na P4,500 kada buwan, natuklasan nilang hindi pala sila kasama sa pangako ng Pangulo.
Hindi naman daw sila nagrereklamo, kung hindi nananawagan sila sa Pangulo na ikonsiderang pag-aralan na magkaroon naman daw sila ng dagdag allowance.
Kung sabagay, masasabing napakaliit ng halagang P4,500 sa panahon ngayon, lalo na nang mag-umpisang rumagasa ang TRAIN law. Bukod dito, masasabi ring buwis buhay ang mga CAFGU. Sila ay ‘ipinambabala’ ‘este, nagiging front din sila sa bakbakan lalo sa remote areas/barrios. Sila ang unang napapalaban (kung minsan).
Kung hindi man napapalaban, sila ang unang itinutumba ng mga kalaban ng gobyerno. Bukod kasi sa pagsisilbing parang sundalo, ang mga CAFGU ang pinagbibintangan ng mga kalaban na nagbibigay ng impormasyon sa militar hinggil sa mga ikinikilos ng mga enemy of the state.
Iyon na nga, tulad ng militar at pulis, buwis buhay din ang mga CAFGU. Hindi nga lang ang mga miyembro ng CAFGU ang itinutumba ng mga kalaban kung hindi maging ang mga kaanak o pamilya ng bawat CAFGU.
Hindi nga lang buhay ang kinukuha sa kanila, kung hindi sinusunog pa ang kanilang mga bahay. Ganyan ang kalagayan ng mga CAFGU natin na kasama sa pagtatanggol sa bansa.
Ngunit, tayo naman ay naniniwalang hindi kinalimutan ng Pangulo ang kalagayan ng mga CAFU o ang naiaambag nila sa bayan. Malamang ay pinag-aaralan ng Palasyo at ng pamunuan ng AFP na irekomenda kay Pangulong Duterte na bigyang halaga din ang mga CAFGU – dagdagan rin ang kanilang allowance at armasan ng magagandang kalibre ng baril para ipangtapat sa armas ng mga kalaban.
Sa mga CAFGU natin, saludo din po kami sa inyong mga naiaambag sa bansa. Tiis-tiis lang po, malamang baka bukas o paggising ninyo ay good news na ang sasalubong sa inyo. Kape-kape muna kayo riyan habang tumutulong sa pagbabantay at pagtatanggol sa bayan.
Mabuhay ang mga CAFGU!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan