HINDI na dapat ipinipilit pa ng mga magagaling sa Kamara ang panukala nila na muling iurong ang nakatakdang eleksiyon sa barangay ngayong Mayo. Hayaan na sana itong mangyari upang tuluyang mapalitan ang mga pasaway sa barangay.
Nagsalita na nga si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na may eleksiyong mangyayari sa barangay ngayong Mayo ay kung bakit ba ipinipilit pa nang husto ng mga nagmamagaling na mga kongresista ang gusto nila.
Matagal nang atat ang mamamayan na husgahan ang kanilang mga barangay official na sa totoo lang ay wala namang pakinabang bagkus ay mga prehuwisyo pa. Dapat nang kalusin ang mga opisyal na iyan na imbes maging mabuting ehemplo sa mga mamamayan ay sila pang mga pasimuno sa mga gulo. Marami pa nga, gaya na rin nang sinabi ni Pangulong Digong, ay mga sangkot pa sa droga at iba’t ibang krimen.
Hindi na dapat pang muling iurong ang eleksiyon, hayaan na itong mangyari ngayong Mayo.
Unang-una, wala na ring panahon pa para himay-himayin ang panukala, dahil ito na rin ang huling linggo ng sesyon ng Kongreso para sa kanilang Lenten break, bukod pa sa dagdag gastos na naman ito sakaling maurong na naman ang halalan.
Maiging maganap na ang halalan sa barangay at mapalitan ang dapat mapalitan. At sana lang ay maihalal ‘yung mga tunay na lingkod bayan na ang kapakanan ng kanilang barangay ang uunahin at hindi sariling interes.