SA nakaraang 15th Liga ng Mga Barangay-Cagayan Congress sa Clark, Pampanga, napabalitang humingi ng basbas si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga opisyal ng barangay sa Cagayan na suportahan sila, sakali mang may tumakbo sa kanilang pamilya sa national elections.
Pero dahil may nakahain pang protesta si dating senador Bongbong Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) mas malamang na si Gov. Imee ang tumakbo sa Senado.
Wala nang kuwestiyon kung mananalo o hindi si Gov. Imee. Alam naman nating lahat na naka-pondo na ang kanyang boto.
Baka nga maging topnotcher pa.
Sa mid-year elections sa 2019, magwawakas na rin ang termino ni Senator Juan Ponce Enrile, kilalang anak ng Cagayan — isang bahagi ng tinatawag na Solid North, ang base ng pamilya Marcos.
Bukod sa Cagayan, bahagi rin nito ang Ilocos, Cordillera, La Union at Pangasinan. E may Waray country pa at iba’t ibang organisasyon na kilalang loyalista ng angkan ni Apo. Huwag rin kalimutan ang overseas Filipino workers (OFWs).
Sabi nga, walang katulog-tulog ang kandidatura ng kahit na sinong Marcos.
Kaya kung hindi magdadalawang-isip si Gov. Imee na sumabak sa national elections — wala nang duda ang kanyang pagwawagi.
Pero siyempre, tiyak na sasakit din ang ulo niya sa mga grupong walang kasawa-sawa sa pagtutol na makapuwestong muli ang kanilang angkan.
Kaya sino ang maysabing hindi masaya ang midterm elections?!
Tiyak na maraming magsasaya rito!
Galit na ang bayan!
BARANGAY
& SK ELECTIONS
KANSELADO
NA NAMAN?
HUWAT?!
Kanselado na naman ang Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections na itinakda sa buwan ng Mayo.
Muntik na ngang magsapakan sa Kamara ang mga mambabatas. At maging si ACT party-list Rep. Antonio Tinio na kilalang militante pero mahinahon ay nakapagsabi na ng salitang, “Ang kakapal ng mga mukha ninyo!”
‘Yan ay dahil ipinagpaliban na naman hanggang sa Oktubre ang BSK elections. At mukhang totoo nga ang kanilang sapantaha na nais isabay sa plebesito.
Aba, halos siyam na taon nang nakaupo ang mga barangay officials ngayon. ‘Yung iba nga, mga nangatodas na at pinalitan na ng kanilang mga 1st kagawad.
Sa hanay naman ng mga SK officials, marami sa kanila ay may mga asawa at anak na. ‘Yung iba nga nagpapaaral na ng mga anak.
Ibig sabihin ganoon na katagal ang panahon na masasabing overstaying na ang barangay officials sa kani-kanilang lugar.
Sa ganang atin, pinakamainam na ituloy ang BSK elections lalo’t nahaharap sa midterm elections ang bansa.
Ang paglilinis sa hanay ng barangay officials na sinasabing nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay nararapat lamang.
At ang unang hakbang, ilaglag sila sa BSK elections.
‘Yun na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap