LALONG umiingay ang panawagan para kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na magbitiw na sa kanyang puwesto habang hindi pa tuluyang nasisimulan ang impeachment case laban sa kanya.
Sa ginawang panawagan ng mga empleyado ng Korte Suprema at grupo ng mga hukom, hiniling nila na magsakripisyo na ang Punong Mahistrado at magbitiw na para sa katahimikan na rin ng sambayanan at ng buong hudikatura.
Tila ginatungan pa ito ng Malacañang at pinayohan si Sereno na pansinin at dinggin ang panawagan sa kanya ng mga empleyado ng Korte Suprema. Ito ay dahil hindi lang naman daw iilan ang may kagustuhan nito at ito na ang pinakamainam na gawin para maibalik sa ayos ang gusot na dala ng kontrobersiya.
Pero mariin ang paninindigan ni Sereno na hindi siya magbibitiw. Handa raw niyang harapin ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya sa tamang lugar at sa tamang panahon.
Sa isang patas na labanan, hindi dapat pilitin ang Punong Mahistrado na siya ay pagbitiwin, lalo pa’t may paniniwala siya na kaya niyang ilaban ang kanyang kaso para malinis ang kanyang pangalan.
Maaaring sabihin ng ilan na ito na ang pinakamadaling paraan para tuldukan ang problema sa Korte Suprema, para hindi na mag-aksaya pa ng pera, panahon at pagod sa pagpupursigi ng kaso laban sa kanya. Pero, hindi sa lahat ng panahon na ang pinakamadaling paraan ay iyon rin ang tama at makatuwirang paraan.
Hayaan natin si Sereno na lumaban nang patas sa isang proseso na pinaniniwalaan pa rin niyang walang kikilingan. Bigyan siya ng pagkakataon na marinig ang kanyang panig sa tamang lugar at sa tamang panahon — sa pagharap niya sa impeachment court.