MUKHANG gusto na namang mag-landing sa history ni Senator Juan Ponce Enrile.
Boluntaryo siyang nagpresenta para maging prosecutor sa impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang sabi niya kay House justice committee chairman, Rep. Reynaldo Umali, nais niyang ibahagi ang kanyang ‘institutional memory’ sa prosekusyon ni CJ Sereno.
Agad naman itong sinunggaban ni Rep. Umali.
Huwag nating kalimutan na si Enrile ang Senate President at naging presiding judge sa impeachment trial ng sinundan ni Sereno — ang namayapang CJ Renato Corona.
‘Yun ‘yung panahon na sinermonan ni Enrile ang House prosecution team dahil umano sa masagwang pagkakagawa ng impeachment complaint.
Sa tono ng pananalita ni House justice committee chair, Rep. Rey Umali, nakahanda umano siyang mag-give way bilang head ng prosecution team alang-alang sa matalas na pag-iisip at ‘institutional memory’ ni Enrile.
Ganern!?
Sakali mang ma-impeach si Sereno, gaya nang nangyari kay Corona, maulit din kaya ang nangyari kay Enrile?!
Kung maaalala natin, matapos noong ma-impeach si Corona, sumunod naman ang pagkakasangkot ni Enrile sa pork barrel scam noong 2014.
Minabuti ni Enrile na sumuko sa Camp Crame at isinailalim sa hospital arrest. At noong 2015, pinayagan siya ng korte na maglagak ng piyansa kaya siya nakalalaya ngayon.
At mukhang ‘yun ang nakalilimutan ni Senator Enrile. Siya ay nakalalaya sa konsiderasyon ng Supreme Court for humanitarian reason dahil siya’y may sakit at matanda na.
Ibig sabihin malakas na naman si ‘Tanda’ at wala nang dinaramdam na sakit?!
Hindi kaya maalala ng mga Mahistrado na dapat na siyang ibalik sa kustodiya ng pulisya?
Ang mga bumoto noon para makapaglagak ng piyansa si Enrile ay sina Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-De Castro, Arturo Brion, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Jose Perez, at Bienvenido Reyes.
Habang ang anim na mahistrado na sina Antonio Carpio, Mariano Del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Marvic Leonen, Alfredo Caguioa, at si Chief Justice Maria Lordes Sereno ay hindi sumang-ayon sa majority.
Nag-abstain si Associate Justice Francis Jardeleza abstained, at si Associate Justice Jose Mendoza ay on leave.
Hindi kaya kasama ang pangyayaring ‘yan sa ‘institutional memory’ ni Enrile at ngayon ay tila gusto na naman niyang magpabida?!
Just asking lang po…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap