NAKALULUNGKOT isipin, sa kabila ng masinsinang kampanya ni President Duterte laban sa lumalabag sa batas ay hindi matuldukan ang pamamayagpag ng ilegal na sugal.
At lalong nakagugulat na may maliliit na perya na binansagang ‘pergalan’ na naghahandog ng bawal na sugal na tulad ng “color games” at “drop ball” na garapalang tumatakbo kahit malapit sa mga himpilan ng pulisya na inatasang patigilin ang mga ito.
Halimbawa rito ang color games ng tinaguriang ‘reyna’ ng pergalan na si “Marissa” na may puwesto sa Ilaya sa Divisoria na malapit sa mismong police community precinct o PCP at pati sa simbahan.
Hinihintay lang na magsara ang simbahan bago buksan ang kanyang sugalan. May puwesto rin siya sa Batanes Street at sa Blumentritt sa lugar ng Sampaloc.
Marami ang nagtataka kung bakit parang walang takot si Marissa sa pagpapatakbo ng ilegal na sugal kahit naging kapitbahay pa niya ang tahanan ng Panginoon o ang presinto ng pulisya.
Nananawagan tayo kay Superintendent Santiago Pascual III, ang hepe ng Manila Police District (MPD) Station 2 na nakasasakop sa Ilaya sa Divisoria, at kay Superintendent Aquino Olivar, hepe ng MPD Station 4 na may sakop sa Batanes at Blumentritt. Huwag ninyong hayaang paglaruan ni Marissa ang batas na tungkulin ninyong ipatupad. Aksiyonan ang pamamayagpag na ito upang hindi maghinala ang publiko na nakikinabang kayo sa pergalan ni Marissa.
Totoo kaya ang bali-balita na kahit kay Mayor Erap Estrada ay malakas ang reyna ng pergalan? Kung totoo ito, sino naman kaya ang kapit niya para makaporma sa Manila City Hall?
***
Sa lugar ng Pasay ay color games at black jack naman ang talamak ngayon. Halimbawang may burol sa looban, sa kanto pa lang ay ipupuwesto na ang color games at black jack para makapang-akit ng manlalaro.
Pinatatakbo ito nina “Christian” at PO3 Angelito Bebet Aguas. Itong si Aguas ay nakatalaga umano sa Headquarters Support Group ng Region 3 pero hindi nagdu-duty. Bukod sa color games ay nagsisilbi rin umano itong kolektor ng opisyales ng ilang police districts.
Si Christian naman ay unang nakilala sa pagpapatakbo ng bookies ng karera sa iba’t ibang sulok ng Pasay. Naniniwala ang marami na batid ng mga awtoridad na si Christian ang operator pero hindi ito ginagalaw dahil kaanak umano ng isang konsehal sa Pasay.
May mga nagtatanong kung hanggang ngayon ba ay bulag ang buong Pasay City police at pati na si Mayor Tony Calixto sa pamamayagpag ng ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.