ISA tayo sa mga natuwa sa nilagdaang City Ordinance ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez kaugnay ng napakaraming bayarin sa iba’t ibang homeowners associations (HOAs) sa iba’t ibang subdibisyon na nasa loob ng lungsod.
Tinawag na “An Ordinance Regulating the Imposition of Dues and Fees by the Homeowners’ Association/Federation of Homeowners’ Association within the Territorial Jurisdiction of the City of Paranaque” na nag-uutos na i-regulate at masinsing subaybayan ang mga nabanggit na bayarin na tinutukoy sa ordinansa.
Ang City Ordinance Number 18-01 (Series of 2017) ay nilagdaan ni Mayor Olivarez noong 27 Enero 2018.
Isa rito ang Section 2 na nagsasabing ang mga bayarin na ipinapatupad ng HOA ay kailangang aprobado ng kaukulang homeowners at ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) alinsundo sa item letter H sa Section 20 ng Republic Act Number 9904.
Kaugnay naman ng mga bayarin (fees), na tinutukoy sa item number 7.3 (Section 7 – Special Assessments) para sa Vehicular Stickers at ang kaukulang presyo, itinakda na: Non-residents may be assessed a higher amount due to the higher costs of maintaining the registry/records and administration, which ought not, however, exceed twice the value of stickers issued to residents of the subdivision or condominium.
Sa Section 10 (Proscribed Acts), hindi na pinapayagan ang pagpapaiwan ng lisensiya ng mga driver ng mga sasakyang pumapasok sa subdibisyon o condominium, dahil ang asosasyon ay hindi awtorisadong gawin ito sa ilalim ng batas trapiko. Walang karapatan ang mga asosasyon na isailalim sa kanilang kustodiya ang iniisyung lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) kahit pansamantala lamang.
Hindi na rin ganoon kadaling magtakda ng paniningil ng parking fees, usage fees at iba pang kagayang bayarin sa paggamit ng kalsada o kalye na nasasakop ng asosasyon maliban kung makatutulong para hindi magkaroon ng sagabal sa daanan.
Kung kayo ay taga-Parañaque, maiintindihan ninyo si Mayor Olivarez at matutuwa kayo.
Sa dami kasi ng magkakadikit at magkakadugsong na subdibisyon sa lungsod, ang ginagawa ng bawat HOA, lahat ng dumaraan sa kanilang sasakyan ay hinihingian ng kaukulang bayarin para madikitan ng sticker ang kanilang mga sasakyan.
Bawat gate na daraanan, magbabayad para makabitan ng sticker. Hindi naman siguro masama ‘yung sticker. Ang nakabibigat ay ‘yung maraming bayarin para sa sticker nang sa gayon ay magaan na makapasok sa subdibisyon na madaraanan bago sa uuwiang subdibisyon.
Ngayong klaro na ang City Ordinance na nilagdaan ni Mayor Olivarez, umaasa kaming mga taga-Parañaque na maipapatupad agad ang ordinansang ito.
Kudos Mayor Edwin Olivarez!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap