KAKAPITAN muli ng NLEX si rookie Kiefer Ravena pagharap nila ngayong alas-7 ng gabi laban sa Magnolia Hotshots sa Game 2 ng PBA Philippine Cup semifinals sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagsalpak ng mahahalagang puntos at plays si Ravena sa endgame sa Game 1 upang kalusin ang Magnolia Hotshots, 88-87 at makauna sa kanilang best-of-seven series.
Nakatuwang ni Ravena si Alex Mallari na nagbaon din ng importanteng puntos upang ibalik sa Road Warriors ang bandera sa huling dalawang minuto ng bakbakan.
Nakapagtala ng 16 points si former King Eagle Ravena pero ang dalawa sa naging susi sa kanilang panalo ay ang pasa nito kay Mallari para sa go-ahead three-pointer at steal nito kay Hotshots center Rafi Reavis.
“As I’ve said before, we’re just in this for the ride,” saad ni NLEX head coach Yeng Guiao. “This is an adventure for us as a team. We’re just enjoying. Para kaming gatecrashers sa party. Nandito pa rin kami.”
Si Cyrus Baguio ang namuno sa opensa para sa Road Warriors na kumana ng 17 puntos habang 14 ang inambag ni Mallari.
Masaklap ang pag-katalo ng Pambansang Manok Magnolia dahil bukod sa naunahan sila sa serye ay nagkaroon pa ng injury si power forward Marc Pingris.
Kaya naman kailangan magdoble kayod ang malalaki ng Magnolia na sina Ian Sangalang at Reavis dahil posibleng hindi makalaro si Pingris ngayon.
Kasama sa sasandalan ni Hotshots coach Chito Victolero sina Paul Lee, Mark Barroca at veteran PJ Simon.
(ARABELA PRINCESS DAWA)