Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

P1-B environmental fees saan nga ba napunta? (Sa Boracay)

HINDI pa si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang nakaupong presidente ng bansa ay tinatanong na natin kung saan napupunta ang P75 environmental fees na sinisingnil sa mga turista, dayuhan man o lokal.

Noon pa kasi natin napapansin ang deterioration o pagkasira ng isla ng Boracay.

Napuna na natin ang hindi mabilang na pagtatayo ng malalaking estruktura pero hindi natin maintindihan kung saan nila pinadadaloy (sewage system) ang mga dumi — solid waste or human waste.

Marami ang nagsasabi na ibinabaon lang sa buhangin ang mga basura. E ‘yung pozo negro? Saan dumadaloy ang mga dumi nito?!

Kaya naman hindi nakapagtataka na ang Boracay kapag umibis ang dagat ay kitang-kitang ang mga lumot.

Ang lumot po ay nabubuhay sa maruruming lugar.

Ibig sabihin, hindi po nalilinis nang husto o maayos ang isla ng Boracay.

At kung hindi nalilinis, ibig sabihin, wala ngang napupuntahang maayos ang environmental fees na batay sa kuwentada ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay umaabot na sa P1 bilyon.

Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing, nagbabayad ng P75 environmental fee ang bawat turistang pumupunta sa islang tanyag sa white beach.

Nasa dalawang milyon aniya ang dumarayo sa Boracay kada taon kaya nakakokolekta ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P150 mil­yong environmental fee.

“‘Pag  titingnan  ho natin ang 10 years na a­ming babalikan, bilyon hong pera ang nakolekta ng lokal na gobyerno,” ayon kay Densing.

“Gusto rin namin malaman kung saan napunta iyan, baka nagamit lang kung saan-saan. Mayroon na hong kriminal na aspekto ang kalalabasan po nito,” dagdag ng opisyal.

Kung tutuusin ang environmental fee ay nakalaan sa paglilinis ng baybayin ng Boracay ngunit kamakailan ay pinuna ni Pangulong Digong na marumi ang isla at binansagan itong isang “cesspool” o tapunan ng basura.

Nais ng pangulo na ipasara ang buong isla upang ito ay ipalinis. Malawakang paglilinis at nais niyang managot ang mga establisyemento na may mga paglabag sa environmental laws at zo­ning regulations.

Mahigpit ang utos ng pangulo sa DILG, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang ahensiya na isaayos ang Boracay sa loob ng anim buwan.

Susuriin din aniya ng task force kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal kaugnay ng ilang resort na naitayo kahit walang environmental clearance at building permit.

Inirekomenda nina Tourism Secretary Wanda Teo at DILG officer-in-charge Eduardo Año na isara ang Boracay ng 60 araw para sa rehabilitasyon ng isla.

Babayaran ng pamahalaan para tumulong sa clean-up ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa panukalang closure, ani Densing.

Tinitingnan din aniya ng DILG kung maaaring magamit na pampasuweldo sa grupo ang environmental fees.

Nakikipag-ugnayan na ang DILG sa labor at social welfare departments para makapag-alok ng pautang sa mga maaapektohang manggagawa.

Ang tanong: sino ang dapat managot sa ‘nawawalang pondo’ ng environmental fees?!

Matukoy kaya ‘yan ng mga ahensiyang itina­laga ni Pangulong Digong?!

Mga suki, ‘yan po ang bantayan natin!

IMPEACH SERENO
APROBADO SA KOMITE
NG KAMARA

HAYAN na.

Nagkabotohan na sa Justice Committee ng Kamara para sa impeachment ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Para sa kanila may basehan ang impeachment complaint na inihain laban kay Chief Justice. Kaya ang resulta ng botohan 38-2.

Tanging sina Rep. Kaka Bag-ao (Dinagat Islands) at Rep. Jose Christopher “Kit” Belmonte (Quezon City), ang hindi sumang-ayon sa mo­syon na inihain ni ABS party-list Rep. Eugene Michael de Vera na may probable cause ang reklamong isinampa ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon laban sa punong mahistrado.

Magugunitang inakusahan ni Gadon si Sere­no na nakagawa ng mga kasalanan na basehan para siya patalsikin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment, tulad ng “culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes and betrayal of public trust.”

Kasunod nito ihahanda na ng komite ang report na isusumite nila sa plenaryo para pagbotohan ng lahat ng mga kasapi ng mababang kapulugan.

Kapag inaprobahan ng buong kapulungan ang reklamo, ihahanda na ang “Articles of Impeachment” na kanilang isusumite sa Senado, na tatayong hukom sa paglilitis sa punong mahistrado.

Pero hindi pa malinaw kung kailan isasalang sa botohan sa plenaryo ang impeachment complaint dahil hihintayin muna ang desisyon ng Korte Suprema sa “quo warranto petition” na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Marami nang nag-aabang nito sa Senado.

Para kasi sa kanila mas masustansiya ang usaping impeachment sa Punong Mahistrado kapag nasa Senado na.

Abangan natin ‘yan, mga suki!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *