MULI na namang umalingasaw ang isyu ng e-passport printing sa ilalim ng APO Production Unit at United Graphic Expression Corp. (UGEC).
Sa hearing ng House of Representatives’ good government and foreign affairs committees hinggil sa alegasyon ng iregularidad sa printing ng e-passport tahasang sinabi ni dating Foreign Secretary Perfecto Yasay Jr., na ang joint venture agreement ng state-run APO Production Unit at ng United Graphic Expression Corp. (Ugec) para sa pag-imprenta ng Philippine e-passports ay malaking kawalan sa pamahalaan.
Huwaw?!
Ani Yasay, nakapagtataka na hindi man lang mapanagot ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang UGEC sa mga kapalpakang nagaganap ngayon sa Consular Affairs Office dahil lagi ngang late ang releasing ng passport, gayong ang nasabing kompanya ang may direktang control sa planta ng pag-iimprenta ng passports sa Lima Technology Center sa Batangas.
Hindi rin pala kasama ang UGEC sa orihinal na memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DFA at APO para sa 10-taon e-passport printing project.
‘Yan umano ang dahilan kung bakit tinabla ni Yasay ang kontrata noong isang taon nang siya ang nasa DFA at ibinalik sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Pero kahit ibinaba na niya ang kautusan, nanatili pa rin sa APO-UGEC ang printing.
At ‘yun talaga ang sabi nga ‘e multi-million-dollar question.
Mukhang ‘yun din ang dahilan kung bakit ibinasura ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kompirmasyon ni Yasay bilang DFA Secretary.
Kaya lalong nagkabakit-bakit?!
Sino ba talaga ang may-ari ng UGEC at bakit hindi kayang tablahin ng APO?
Alam din ba ng publiko na pera ng gobyerno ang ipinangtayo ng planta ng UGEC sa EPZA ng Batangas? Pera at pag-aari ng gobyerno pero ang lumalabas na kumikita nang limpak-limpak ay UGEC!?
Pero palpak pa rin ang serbisyo!
Wattafak!
Kung pananagutin ang UGEC sa ‘tila’ walang katapusang kapalpakan sa e-passport printing mayroon kayang lulutang na malalaking tao sa likod nito?!
Naitatanong natin ito dahil, nagtataka talaga tayo kung bakit hindi maibalik-balik sa BSP ang printing ng e-passport?!
Ganyan din kaya ang tanong ni Foreign Secretary Allan Cayetano?
At kung naitanong na ‘yan ni Secretary Alan, alam na rin kaya niya kung ano ang sagot?!
Pakibuloooooong naman po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap