TANGING sa interview lamang ng Associated Press nabanggit ng aktres na si Rita Moreno, na ang isinuot niyang gown noong Oscars, Linggo ng gabi, ay ang parehong gown na isinuot niya nang manalo bilang Best Supporting Actress sa Oscars para sa pelikulang West Side Story noong 1962.
Sinabi pa niyang, “the dress was made in Manila, and I remember the dressmaker was Jose Moreno, I hope he will be watching to see his creation again.” Hindi alam ni Rita Moreno na noon pang Enero ng taong ito ay yumao na si Pitoy Moreno, na tinatawag ding “fashion czar of Asia” at hindi basta karaniwang “dressmaker”.
Hindi na nasabi ni Rita na noong 1962, ang suot niyang gown na gawa ni Moreno ay siya ring napili bilang “the best original design” ng legendary fashion guru ng America na si Edith Head, na walong ulit na nanalo sa costume design sa Oscars.
Pinag-usapan sa buong mundo ang muling pagsusuot ni Rita Moreno ng gown na iyon, na alam ng lahat na gawa ng isang Filipino, si Pitoy Moreno nga. Hindi ba malaking karangalan iyan para sa ating lahat?
At hindi basta-basta “dressmaker” si Mang Pitoy. Naigawa niya ng gown hindi lamang ang mga first ladies na Filipino, naigawa rin niya ng gown ang mga first ladies ng America na sina Nancy Reagan, Pat Nixon, at Betty Ford. Nagpapagawa rin sa kanya ng kasuotan si Queen Sirikit ng Thailand, Queen Margarette ng Bulgaria, Queen Sophia ng Greece, Princess Margaret ng Britain, Princess Suga ng Japan, at Madame Margot Fonteyn.
PITOY, PATULOY
NA KINIKILALA
SA BUONG MUNDO
SI Mang Pitoy ay ideklarang National Artist ng Pilipinas noong 2009 ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, pero iyon, kasama ng apat na iba pa ay tinutulan ng ilang national artists, at mga militante sa isang rally sa CCP, at dinala pa hanggang Korte Suprema.
Sinabi ni Bienvenido Lumbera na ang fashion design ay hindi kinikilalang form of art kundi simpleng paggawa lamang ng damit. Kalaunan sinabi namang iyon ay bumabagsak sa kategorya ng design at isa ngang itinuturing na form of art. Isa pa, bakit hindi sila umangal nang gawin din national artist noong una ang fashion designer na si Ramon Valera? Biktima si Mang Pitoy ng politika.
May nagsasabing dapat naigawad kay Mang Pitoy ang title, pero hindi na nangyari iyon hanggang sa mamatay siya, at hindi na rin naman niya maa-appreciate iyon kung sakali dahil nagkaroon nga siya ng alzheimer’s disease at matagal na nasa ospital nang wala na halos naaalala.
Gayunman, kahit na nasa kabilang buhay na siya, ang Pilipinas ay patuloy na kinikilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga gawa, at dahil nga sa nangyaring muling pagsusuot ng aktres na si Rita Moreno ng kanyang obra na ginawa 56 years ago, nasa balita na naman ang Pilipinas.
Ginagawa ni Rita Moreno rito sa ating bansa noon ang pelikulang Cry of Battle, na ang propducer ay si Joe Steinberg at ang Filipinong director na si Eddie Romero. Gayunman, ang usapan noon, ang tunay na financier ng pelikula ay ang negosyanteng si Harry Stonehill, na alam din naman nating naging kontrobersiyal noong panahong iyon. Sinasabing siya ang nam-blackmail kay dating Presidente Marcos, kasabwat ang American star na si Dovie Beams. Kasama si Leopoldo Salcedo at marami pang artistang Filipino sa pelikulang iyon, and take note credited sila sa pelikula. Hindi kagaya ng ibang mayayabang na nagsasabing kasali sila sa isang Hollywood movie, iyon pala ay background extra lang, walang dialogue at hindi man lang nabanggit ang pangalan sa credits.
Ang buhay nga naman. Hataw!
HATAWAN!
ni Ed de Leon