WOMEN’S month ngayong Marso. Ibig sabihin, dapat kilalanin natin ngayong buwan ang tunay na kahalagahan ng ating mga kababaihan, nasa loob man siya ng tahanan, eskuwelahan, trabaho, tanggapan ng gobyerno, kalye, at kahit saang lugar na may mga kababaihan.
Napakahalaga ng pagkakataong ito para kilalanin natin ang kanilang ginagampanang papel sa lipunan.
Makabubuting bigyang panahon natin na suriin kung gaano ba talaga kalaki at kahalaga ang papel ng ating mga kababaihan sa kasalukuyang pamahalaan.
Ang unang tanong ay kung may pagpapahalaga ba o pagkilala ba talaga ang kasalukuyang pamahalaan sa mga kababaihan?
Bakit kaya hindi natin pagtuunan ng pansin ang mga isyu ng mga kababaihan, at timbangin natin kung ano-ano nga ba ang mga konkretong aksiyon ang ginagawa ng pamahalaan para higit na maisulong ang kanilang karapatan at kapakanan.
Sa ngayon, masasabi ba natin na pantay ang turing ng ating lipunan sa ating mga kababaihan, lalo pa’t meron tayong pangulo na lagi na lang binabatikos dahil sa hindi magandang pagtrato sa mga kababaihan?
Panahon na para sabay-sabay at magsama-sama ang bawat kababaihan, mapa-oposisyon man o sa administrasyon, upang maipasapol at hikayatin ang kasalukuyang gobyerno na bigyan ng maayos na pagtrato ang bawat kababaihan na nasa lahat ng sektor ng lipunan.