Saturday , December 21 2024

Tuloy ang laban

SA tingin ng iba ay nagiging desperado ang ilang mambabatas, lalo nang hilingin ng ilang miyembro ng oposi­syon ng Kongreso na makialam si President Duterte sa pagsisikap ng gobyerno na imbestigahan ang pagkasawi ng mga bata na naturukan ng kontrobersiyal na bakuna na Dengvaxia.

Sa tingin nila ang Pangulo ang dapat magresolba sa isyu at utusan si Public Attorney’s Office (PAO) chief Attorney Persida Acosta na makipag-ugnayan sa mga dalubhasa ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) at Department of Health (DOH). Nais din nilang ipatigil ni Duterte ang tinagurian nilang “pseudo-forensic intervention” na isinasagawa raw nina Acosta sa mga nasawi.

Nakaligtaan yata ng Kongreso na pareho sila ng PAO na may tungkulin na dapat gampanan kaugnay ng Dengvaxia.

Binuksan muli ng Kongreso ang pagsisiyasat sa programa matapos aminin ng gumawa ng naturang bakuna na Sanofi Pasteur noong Nobyembre 2017 na hindi dapat bigyan ng Dengvaxia ang mga tao na hindi pa tinatamaan ng dengue dahil baka maging sanhi ito ng mas matinding sintomas ng sakit.

Ang pahayag ng Sanofi ay bunga umano ng resulta ng pag-aaral sa Dengvaxia. Dahil dito ay ipinatigil ng gobyerno ang anti-dengue nilang programa. Ang problema nga lang ay naturukan na ang mahigit 800,000 bata sa malawakang pagbabakuna bago ito ipinatigil.

Hindi maitatanggi na lumikha ng takot ang Dengvaxia at ang ibang mga bakuna sa iba na­ting kababayan. Bunga nito ay inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang PAO na siyasatin ang mga bata na naturukan ng Dengvaxia at kinalaunan ay nasawi. Hindi nagtagal ay bumuo rin ang DOH ng grupo mula sa UP-PGH para imbestigahan ang isyu.

Dahil sa mga natuklasan ni PAO forensic la­boratory director Erwin Erfe ay nagpahayag ang PAO na dapat kasuhan ang mga opisyal ng DOH at pati na ang ilang nagtatrabaho sa Sanofi sa pakasawi ng isang bata.

Pero ang mga dalubhasa ng UP-PGH ay hindi makakita ng ebidensya na direktang mag-uugnay ng mga pagkasawi sa Dengvaxia. Hiningi nila sa PAO ang tissue samples ng mga bata na nasawi upang mapag-aralan pero hindi sila pinagbigyan ni Acosta.

Para kasi kay Acosta ay may “conflict of interest” sa DOH dahil ang ilang opisyal nito ay maaaring makasuhan bunga ng kaguluhan sa Dengvaxia. Para sa mga kumokontrang mambabatas ay pananaw lang ito ni Acosta sa kabila ng katotohanang ang tinutukoy ng PAO chief ay isang malaking posibilidad.

Tama ba na busalan ang PAO sa pagsisiyasat sa katotohanan? Bakit hindi kayo magkanya-kanya ng imbestigasyon at pag-isahin ito sa bandang huli?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *