Ang final batch ng human rights victims sa ilalim ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay makatatanggap na ng kabayaran sa natitirang P10 billion secret Swiss bank deposit na narekober ng pamahalaang Filipinas.
Ang Human Rights Victims’ Claims Board ay mayroon na lamang hanggang 12 Mayo nga-yong taon para ipamahagi ang perang nakalaan sa 9,204 claimants. Nauna nang ipinamahagi sa 5,121 claimants ang P362.4 million.
Pero ang malungkot nito, hindi lahat ng claimants na umano’y biktima ng Martial Law ay nakatitiyak na makakukuha nang hinihingi nilang kabayaran. Marami sa listahan ng mga claimants ay hindi totoong biktima ng martial law. Ibig sabihin, fake ML claimants!
Bukod sa pekeng ML claimants, malaki rin ngayon ang problemang kinakaharap ng board dahil marami sa mga tunay na biktima ng batas militar ang na-scam ng isang grupo at nahingan ng pera sa paniniwalang madaling maipoproseso ang kanilang mga papeles.
Nakahihiya ang mga taong ‘yan na nagku-kunwaring biktima ng martial law. Kung hindi nila alam, ang pakikibaka o ‘pagkilos’ noong panahon ng Martial Law ay isang sagrado at banal na gawain. Nakataya ang buhay ng bawat isa para sa kalayaan ng bayan.
Pero ang malungkot din nito, pati ba naman ang tunay na “kasama” ay nanghihingi na rin ng kabayaran sa kanilang ginawang pakikiba noong panahon ng Batas Militar? Parang ipinagbibili na rin nila ang kanilang ginawang kabayanihan. Nasaan ang prinsipyo ninyo?!
Wala na bang natitirang kahihiyan ang mga dating tibak? Si Ka Satur Ocampo ba ay binayaran na rin ng board? Si Etta Rosales, hindi rin ba nabayaran? Kilabutan naman kayo!
Ang masasabing claimant ay ‘yung hindi combatant o hindi kasapi ng anumang kilusang lihim. Sila ang masang Filipino na tinamaan ng bala sa crossfire. O kaya, sila ay nabilanggo at na-torture dahil napagbintangan lamang.
Kung lumaban ka noong panahon ng Martial Law, ito ay kagustuhan mo! Hindi ito naghihintay ng kapalit at hindi naghihintay ng kabayaran. Nakalulungkot dahil marami sa mga kakilala kong “tibak” at ang iba ay mga kasabayan ko pa ang nakapila ngayon sa board at humihingi ng kabayaran sa kanilang ginawang pakikibaka.
At para naman doon sa fake na claimant, dapat lang na kasuhan ang mga ‘yan dahil sa pambababoy na ginawa nila sa mga tunay na biktima ng Martial Law. Kailangang kumilos ang mga awtoridad para matukoy kung sino-sino at nang maipakulong ang fake claimants.
Sa mga “kasama,” itigil na ninyo ang kahibangan. Uulitin ko, hindi ipinagbibili ang pakikibaka!