MAPAPANOOD ang pelikula ni Allen Dizon na The Bomb (Bomba) sa 4th Sinag Maynila Film Festival na ang screenings ay magaganap sa March 7-15 sa mga piling SM Cinemas sa Metro Manila. Kaya naman labis ang kasiyahan ng multi-awarded actor sa pagkakataong ibinigay sa kanilang pelikula.
“Malaking bagay kapag kasama sa mga festival ang mga movie ko, lalo na rito sa Filipinas para maraming makapanood na Filipino at maraming maka-relate. Lalo na kasi, may mga totoong nangyayari sa atin talaga na ganito,” saad ng premyadong actor.
Nabanggit din niyang isa itong The Bomb sa pinaka-proud na nagawa niya. “Oo naman sir, and isa rin ito sa mga pinakamahirap talagang role ko dahil need kong mag-aral ng sign language at lahat ng emosyon dapat tama. Palagay ko rin, ito na iyong pinaka-challenging na role na nagampanan ko so far, kaya may halong excitement din sa akin.
“Bukod kasi sa pagiging deaf, ang daming pagdaraanan ng karakter ko rito. Emotionally, grabe ang tindi, pero I took it as a challenge. Iyong ending, grabe ‘yun, never ko pang nagawa ang ganoong klaseng acting. Saka most of my scenes puro mata, saka facial expression at ayaw talaga ni Direk Ralston ‘yung uma-akting, kaya mahirap talaga,” pahayag ni Allen.
Nag-e-expect ka ba na mananalo ng award dito? “Never naman ako nag-e-expect lagi ng award e, kumbaga kapag kasama na ‘yung film sa filmfest, feeling ko ay nanalo na rin ako. Bonus na lang talaga kapag may Best Actor, kasi siyempre, pinagpaguran ko iyon, kumbaga bonus na talaga kung may award, lalo at maganda naman at mahirap talaga ang role ko rito sa Bomba.”
Bukod kay Allen, tampok din sa The Bomb sina Angellie Nicholle Sanoy, Kate Brios, Alan Paule, Sue Prado, Felixia Dizon, Joel Saracho, Tabs Sumulong, Lucas Dizon, at Romeo Lindain. Ito’y mula sa panulat at pamamahala ni Direk Ralston Jover.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio